Pinuri ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa 10% pagbaba ng congestion rate sa mga kulungan.
Ayon sa pahayag ng DILG nitong Huwebes, Oktubre 30, mula 296% noong Mayo 2025 hanggang 286% noong Setyembre, maikokonsidera itong “milestone” para sa mas makatao at repormatibong jail management, na layon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa Bagong Pilipinas.
“This significant progress reflects your steadfast commitment to improving jail conditions and accelerating decongestion through effective paralegal work," pagkomenda ni DILG Undersecretary for Public Safety Serafin P. Barretto, Jr.
“These are real, measurable results that prove reform works,” dagdag pa niya.
Ayon din sa pahayag, mula Enero hanggang Setyembre 2025, 69,052 persons deprived of liberty (PDLs) ang ni-release sa pamamagitan ng paralegal assistance, 84,926 naman ang bilang ng mga nagbenepisyo sa Good Conduct Time Allowance, at 27,826 ang nakatanggap ng Time Allowance for Study, Teaching, and Mentoring.
Sa kasalukuyan, mahigit 21,000 PDLs ang naka-enroll sa pormal na edukasyon mula elementarya hanggang high school.
Ang mga inisyatibang ito ay alinsunod sa layon ng BJMP na mabigyan ng rehabilitasyon at pangalawang pagkakataon ang PDLs.
Tiniyak naman ni BJMP Jail Director Ruel Rivera na patuloy nilang iaangkop ang kanilang Jail Plan 2040 sa ilalim ng performance governance system (PGS).
“We recognize that the journey ahead is long, but with resolute commitment and dedication to public service, we are confident in our ability to contribute to a safe, just, and prosperous Philippines,” pagtitiyak ni Rivera.
Sa kabilang banda, patuloy din daw na bibigyang suporta ng DILG ang inisyatiba ng BJMP isaayos ang mga kulungan at paluwagin ang mga ito, bilang pagsasakatuparan ng direktiba ni PBBM na “justice must go hand in hand with compassion.”
Sean Antonio/BALITA