Arestado ng mga pulis ang isang guro-head coach matapos ireklamo ng umano'y pangmomolestya ng isang menor de edad na lalaking beach volleyball player habang nagpapahinga sa katatapos na Batang Pinoy-Philippine National Youth Games 2025 sa General Santos City kamakailan.
Batay sa mga ulat, inireklamo ng Grade 12 student-athlete ang head coach ng women's volleyball team matapos umano siyang gawan ng kalaswaan habang natutulog, na nasaksihan naman ng isa pang kasamahang manlalaro-estudyante.
Ang dalawang estudyante ay mula sa magkaibang paaralan sa San Fernando, La Union, gayundin ang sangkot na coach.
Kuwento umano ng biktima at saksi na pawang 17-anyos sa pulisya, habang nagpapahinga sila sa loob ng silid-aralan/billeting area bandang 1:00 ng madaling-araw, Oktubre 25, nakita umano ng saksi na ibinaba ng head coach ang boxer shorts ng biktima at nilaro ang ari nito.
Nakita raw ng suspek na nakatingin ang saksi, subalit sa halip na tumigil, umano'y ngumiti pa raw ito sa kaniya at saka ipinagpatuloy umano ang paglalaro sa ari ng biktima at saka isinubo.
Nang malaman daw ang insidente, nahihiya man, agad na nagsumbong ang biktima sa pulisya at idinetalye ang reklamo laban sa head coach, kasama ang saksi.
Dinakip ang head coach matapos dumalo sa isang meeting at dinala umano sa isang ospital para sumailalim sa isang medikal na pagsusuri bago dinala sa pasilidad ng male custodial ng estasyon ng pulisya
Nahaharap sa kasong Acts of Lasciviousness kaugnay ng Republic Act 7610 (Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act) ang nabanggit na head coach.