Isa sa mga bahagi ng paniniwalang Pilipino pagdating sa relihiyon ay ang pagkakaroon ng "purgatoryo."
Ayon sa pagpapakahulugan ng diksyonaryo.ph, ito ay ang pansamantalang kalagayan o pook para sa paglilinis ng kaluluwa sa pamamagitan ng pagpurga sa mga kasalanang pinagsisihan at pinatawad na ngunit hindi pa pinagdusahan nang sapat.
Sa madaling salita, isa itong yugto na daraanan ng ating kaluluwa sa panahong tayo ay pumanaw.
Ngunit paano kung masaksihan mo ito sa panaginip at makita roon ang isa sa mga lumisan mong mahal sa buhay?
Ganito ang kuwentong pumukaw sa netizens sa pagbabahagi ng user na si SupportiveBeet sa Facebook page na Let’s Takutan, Pare nitong Oktubre 27, 2025.
“Ang kuwento ko ay tungkol sa aking panaginip ilang buwan lang pagkatapos mamatay ng lola ko. 2014 s’ya namatay,” pagsisimula niya.
Ayon pa sa nasabing user, nagkaroon daw siya ng panaginip na nasa isa siyang dalampasigan at may bakod na kahoy dito papasok.
“Ilang buwan pagkatapos niyang mamatay, nanaginip ako na naglalakad ako palapit sa dagat. Nakita ko na may mga halaman at mga puno sa paligid. Bago ka makalapit sa dalampasigan, may bakod na gawa sa kahoy. Gawa din sa kahoy ang nakabukas na gate,” aniya.
“Hindi pa ganoong kaliwanag ang paligid, pero hindi rin madilim. Parang nasa pagitan ng umaga at madaling araw, ‘yong liwanag na parang ang araw ay natatakpan ng makapal na ulap. Nagmamadali ako dahil ramdam ko na bakit ako nandoon—para dalawin si lola,” dagdag pa niya.
Pagkapasok niya sa nasabing bakuran, may nakita siyang matandang lalaki na nagwawalis.
“Pagpasok ko ay mayroong lalaki na hindi naman ganun katanda, parang between 40-50s ang edad nia. Nagwawalis sya gamit ang walis tingting na kinabitan ng mahabang kahoy bilang hawakan.”
“Pagpasok ko, wala man s’yang sinasabi, e, pakiramdam kong may tiyansa na pagbawalan niya ko. Papunta ako sa kaliwang bahagi ng dalampasigan kung saan madadaanan ko s’ya, kaya naman patakbo akong dumaan sa harapan niya. Papalapit pa lang ako nang tumigil s’ya sa pagwawalis at tumingin sa akin, habang tumatakbo, e. sinundan lang niya ko ng tingin pero di niya ako hinabol. Tanda ko na ang suot niya, e, long sleeves at naka sumbrero na parang pang magsasaka,” pagkukuwento niya.
Pagkalayo raw niya sa nasabing lalaki, may nakita siyang mga kubo at tila tiyak niya kung nasaan doon ang kaniyang pumanaw na lola.
“‘Di kalayuan sa kinatatayuan niya ay may mga kubo, maliit lang pero up and down ang mga ito at may simpleng veranda din sa taas at baba. Di ko alam pero tila kabisado ko kung nasaan ang lola ko. Huminto ako sa isa sa mga kubo at tinawag ko sya.”
“Nasa 2nd floor sya, dumungaw at tila kakagising lang. Hindi sya nakangiti at hindi rin nakasimangot, seryoso lang ang mukha niya. Nakasuot s’ya ng puting blusa na may kuwelyo at ‘yong kuwelyo, may lining na itim. Ang huling natatandaan ko ay pababa s’ya ng hagdan at ako naman ay palapit sa kanya at doon na ako nagising,” saad niya.
Matapos ang ilang taon, naikuwento niya ito sa kaniyang panganay na kapatid at nagulat sila nang malaman parehas sila ng napaginipan noon.
Anang user, doon niya napagtanto na “baka” ang kanilang napaginipan ng kaniyang kapatid ay ang lugar ng purgatoryo at ang nagwawalis na lalaki ay ang bantay nito.
“Ilang taon ang lumipas nakuwento ko sa ate namin na panganay ang panaginip ko. Nagulat s’ya sa kuwento ko dahil pareho ang ilan sa detalye ng panaginip namin—dumalaw din sya kay lola, sa tabing dagat din, may kahoy din na bakod at gate na nakabukas.”
“Di ko alam kung paano ko ba nalaman, basta no’ng nandoon ako sa panaginip ko, pakiramdam ko ay ‘yon ang purgatoryo. At ung nagwawalis, siya ang bantay,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nagbigay naman ng reaksyon ang ilang netizens sa ibinahaging kuwento ng nasabing uploader.
Anila, maaari ring ang napuntahan ng nagkuwento ay ang spirit realm kung saan naroon ang kaluluwa ng mga ninuno ng isang tao.
May ilan ring sumang-ayon at sinabing baka nakarating ang uploader sa kabilang buhay sa pamamagitan ng panaginip.
Narito ang ilang komentong iniwan ng mga tao sa naturang post:
“Baka nakarating ka sa spirit realm kung san andon ang lola mo at maybe ninuno mo yung nakita mo.”
“Maraming beses na akong nakarating sa kaparehas ng ganyang deskripsyon po sayo. Pero walang tao tulad sayo.”
“May ibig sabihin ba kapag nakita mo ang kmag anak mo dyan?”
“Pero nakakarating lang tayo dyan thru our dreams at gamit natin ang ating spirit body.”
“Delikado dyan. pero just incase na nakaramdam ka ng panganib, pilitin mong gumising, or isipin mo na gusto mo nang gumising.”
Maaaring tila haka-haka sa marami ang nasabing lugar ng purgatoryo, ngunit sa iilang nagkaroon ng pambihirang karanasan tungkol dito, hindi nila mapigilang maniwalang may kasunod na yugtong pupuntahan ang kanilang kaluluwa upang linisin ito sa panahong lisanin nila ang mundo.
MAKI-BALITA: Lalaki, ipinakita ang purgatoryo at kaharian ng langit sa kaibigan
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.
Mc Vincent Mirabuna/Balita