January 09, 2026

Home BALITA Probinsya

2021 pa raw dapat tapos! DA, nadiskubre 'di pa nasisimulan, kasesemento lang na farm-to-market roads sa Davao Occidental

2021 pa raw dapat tapos! DA, nadiskubre 'di pa nasisimulan, kasesemento lang na farm-to-market roads sa Davao Occidental
Photo courtesy: Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr./FB


Nadiskubre ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco “Kiko” Tiu Laurel Jr. ang ilang farm-to-market roads (FMR) sa Davao Occidental, na aniya, ‘di pa nasisimulan at kabubuhos pa lamang ng semento.

Ibinahagi ni Sec. Tiu Laurel Jr. sa kaniyang Facebook post noong Miyerkules, Oktubre 29, na ang mga nasabing FMR ay inaasahang tapos na dapat noon pang 2021.

“Nadiskubre namin ang ilang hindi pa tapos na farm-to-market roads (FMR) sa Davao Occidental na dapat ay natapos na noong 2021. Isa sa mga proyekto ay talagang wala, habang ang isa naman ay kakabuhos pa lang ng semento,” ani Sec. Tiu Laurel Jr.

“Nagsagawa kami ng audit matapos isiwalat ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang katiwalian sa ilang DPWH flood-control projects. Sa kasalukuyang sistema, ang DA ang nag-a-identify ng FMR, habang ang DPWH naman ang nagpapatupad ng mga ito,” aniya pa.

“Gaya ng sinabi ng mga magsasaka at mangingisdang aming nakausap, napakahalaga ng mga FMR na ito sa kanilang kabuhayan. Makakaasa po kayong hindi namin ito palalampasin. Sisiguruhin naming maipapatupad ang mga proyektong ito ng tama,” pagtatapos niya.

Ayon sa kalihim, pagpapaliwanagin nila ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang mga district engineers at contractors nito mula 2021-2022.

Matatandaang binisita rin ni DPWH Sec. Dizon kamakailan ang Culaman Bridge sa parehong probinsya, na siyang pinondohan at sinimulan noon pang nakaraang administrasyon, ngunit nadatnan niyang wala pang natatapos sa nasabing proyekto.

KAUGNAY NA BALITA: ‘Magkusa na kayo!’ Sec. Dizon, sinabihan mga kawani ng DPWH na i-report ang mga anomalya-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA