Hindi umano bababa sa ₱21 bilyon ang nakulimbat ni dating Ako Bicol Party-list Rep. Zaldy Co mula sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin nitong Miyerkules, Oktubre 29, base umano ang halagang ito sa ilang kabuuang pigura na inilatag sa Independent Commission for Infrastructure (ICI) nina Henry Alcantara at Brice Hernandez, kapuwa dating engineer sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Matatandaang inisyuhan na ulit ng panibagong subpoena si Co mula ICI noong Oktubre 28 sa tirahan niya sa Pasig at Bicol.
“We’re just awaiting the reports coming from the one who had served these,” saad ni ICI executive director Brian Keith Hosaka.
Dagdag pa niya, “Then once we receive these from them, then we will study the matter kung ano ‘yong magiging next action or steps ng ICI.”
Nakatakdang ikasa sa Nobyembre 11 at 12 ang padinig ni Co sa nasabing komisyon.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, inisyuhan ulit ng subpoena ng ICI; aaksyunan kapag ‘di pa rin sumipot!
Ngunit nito ring Martes ay inanunsiyo ng Civil Aviation Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na nakalabas na umano sa bansa ang tatlo (3) sa sampong (10) air assets ng dating kongresista.
Maki-Balita: 3 sa 10 air assets ni Zaldy Co, sumibat na sa bansa—CAAP