Iniimbestigahan na ngayon ng mga opisyal ng Barangay Bonot ang insidente ng pagpipintura sa mga lapida sa Legazpi Catholic Cemetery na umano’y isinagawa nang walang pahintulot ng mga pamilya ng mga yumao.
Ayon kay Barangay Captain Reynaldo Bendicio, hindi pa malinaw kung ang naturang pagpipintura ay simpleng pang-aasar lamang o isang modus upang kumita ngayong Undas, dahil inaasahang magpupunta sa sementeryo ang mga kamag-anak upang linisin at ayusin ang mga puntod.
Dagdag pa ni Bendicio, ito ang kauna-unahang beses na nangyari ang ganitong insidente sa kanilang barangay. Tiniyak niyang oras na matukoy ang responsable sa naturang gawain, agad itong pananagutin.
Samantala, agad ding kumilos ang Pamahalaang Lungsod ng Legazpi matapos makatanggap ng mga reklamo hinggil sa mga pininturahang lapida. Sa tulong ng City Engineering Office at ng mga kawani ng Legazpi City Public Cemetery, sinimulan na ang pagsasaayos at pagpapanumbalik sa maayos na kalagayan ng mga apektadong lapida.“Dahil sa mga natanggap na reklamo hinggil sa ilang lapida sa Legazpi Public Cemetery na pininturahan ng puti nang walang pahintulot ng mga pamilya, agad po nating inaksyunan ang nasabing insidente upang maisaayos at maibalik sa maayos na kalagayan ang mga lapida ng ating mga yumaong mahal sa buhay,” ani Legazpi Mayor Hisham Ismail.
Tiniyak ng lokal na pamahalaan na patuloy nilang isusulong ang kaayusan, kalinisan, at paggalang sa mga pampublikong pasilidad, lalo na sa mga sagradong lugar tulad ng mga sementeryo.
“Patuloy po ang Pamahalaang Lungsod ng Legazpi sa pagpapanatili ng kaayusan, kalinisan, at respeto sa lahat ng pampublikong pasilidad, lalo na sa mga sagradong lugar tulad ng sementeryo,” anang alkalde.