Tinitingnang magsampa ng kaso si Ombudsman Jesus Crispin Remulla laban sa mga matataas na opisyal ng pamahalaan at kanilang kasabwat na umano’y sangkot sa maanomalyang mga proyekto sa flood control bago o eksaktong sa Nobyembre 25, 2025.
Ayon kay Remulla, kabilang sa mga ito ang mga opisyal ng gobyerno na may Salary Grade 27 pataas, na nasa hurisdiksyon ng Sandiganbayan o anti-graft court.
Samantala, ang mga kasong kinasasangkutan ng mga indibidwal na may Salary Grade 26 pababa, kasama ang kanilang mga umano’y kasabwat, ay sakop naman ng mga regional trial court.
“The target [date of filing] is really by November 25, we will have cases in the Sandiganbayan already, meaning filed before the Sandiganbayan. Sa indictment na [namin papangalanan. We'd rather name the official when we file the case. One official, ….and there are others because of the ICI filing,” ani Remulla.
Binanggit ni Remulla ang ulat ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na nagrekomenda ng pagsasampa ng mga kasong plunder, bribery, at corruption laban kina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada, dating mga kongresista Zaldy Co at Mitch Cajayon, at Commission on Audit (COA) Commissioner Mario Lipana, dahil sa umano’y pagkakasangkot ng mga ito sa anomalya sa flood control projects.
Saad pa ni Remulla, “Looks like the Sandiganbayan may be busy in the next few months or years, given the pace of the investigations and all of these cases [that] will be filed.”
Nang tanungin kung kabilang sa target na petsa ang pagsasampa ng mga kasong kriminal laban sa mga kasalukuyang senador, sinabi ni Remulla, “Basta indictable na sila. Indictable sila sa Sandiganbayan. That should give you enough clues… [Tingnan ninyo ang] Salary Grade,” aniya.
Batay sa Salary Standardization Law, ang mga miyembro ng Senado at Kamara ay may Salary Grade 31 o tumatanggap ng higit ₱300,000 kada buwan.
Dagdag pa ni Remulla, nakatanggap na rin ang kaniyang opisina ng mga paunang ulat kaugnay ng 421 kaso ng flood control projects na kasalukuyang bineberipika.
“We are in the process of farming them out. We have validation reports from the PNP about the projects being ghost projects. It's just that we have to check again with the big documents about the location of these projects, so we won’t fail proving that these are ghost projects. The location is critical to this,” anang Ombudsman.
MAKI-BALITA: ICI, iminungkahing sampahan ng kaso sina Villanueva, Co, Estrada, atbp., sa Ombudsman