Usap-usapan ang matapang na reaksiyon at saloobin ng beteranang aktres na si Pinky Amador hinggil sa pelikulang "Quezon," isang biopic movie tungkol kay dating Pangulong Manuel Luis Quezon na idinirek ni Jerrold Tarog at pinagbidahan ni Jericho Rosales.
Ang pelikula ay ikatlong bahagi ng tinaguriang Bayaniverse series na layong muling buhayin sa pelikula ang mga buhay ng mga bayani ng bansa, na nagsimula kina Heneral Antonio Luna na ginampanan ni John Arcilla, at kay Heneral Gregorio Del Pilar na ginampanan naman ni Paulo Avelino.
Sa isang Instagram post na pinamagatang “MLQ Tinokhang sa Pelikula: History Weaponized,” inilahad ni Amador ang kaniyang obserbasyon sa naging paraan ng paglalarawan kay Quezon at sa paggamit umano ng kasaysayan bilang media para sa komersiyal na interes.
Bagama’t kinilala niya ang mataas na antas ng produksiyon at kahusayan ng mga artista, iginiit ng aktres na ang pelikula ay nagkaroon ng umano'y sensationalized na pagtrato sa kasaysayan na maaaring magdulot ng maling pag-unawa sa mga manonood.
Binanggit ni Amador na bilang isang proyektong suportado ng malalaking kompanya at may impluwensyang sapat upang makaapekto sa pananaw ng publiko, may kaakibat itong malaking responsibilidad lalo pa't ineendorso ito ng Department of Education (DepEd), na sa kasalukuyang panahon ng krisis sa edukasyon, ang mga ganitong pelikula ay maaaring maging pangunahing batayan ng kaalaman ng kabataan.
"With great power comes great responsibility. When you get Dep-ed to endorse this as an 'educational' film, the perception is that it will be (at the very least) slightly historical. When you add layers of 'fiction' and 'satire' then purposefully BLUR those lines with your creative treatment, then you are weaponizing history according to your narrative for sales. It becomes sensationalized and adds interest to potential clients. I also get that this treatment can encourage deeper conversation and debate. But for whom? Only the learned and intellectuals?" aniya.
Ipinunto rin ng aktres na sa dami ng Pilipinong hirap sa pagbasa at pag-unawa, ang pagpapakita ng isang panig ng kasaysayan ay maaaring mauwi sa miseducation at maling interpretasyon ng mga manonood.
Personal aniya para kay Amador ang isyung ito, dahil ang kaniyang lola, si Nini Angara Quezon Avanceña, ay apo ni dating Pangulong Quezon at kilala rin bilang aktibong tagapagtanggol ng demokrasya noong panahon ng batas militar.
Matatandaang naging usap-usapan ang harapang pagsita ni Ricky Avanceña, great grandson ni Quezon, na uncle naman ni Pinky, sa production team dahil daw sa "pagsalaula" kay Quezon sa pelikula.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Mga kupal kayo!’ Apo ni Quezon, inalmahan bagong pelikula ni Tarog
Samantala, nanindigan naman ang TBA Studios na batay sa facts at historical records ang mga naging paglalarawan nila kay Quezon sa pelikula.
KAUGNAY NA BALITA: 'The film is grounded in verified historical accounts:' TBA Studios, nagsalita sa pag-alma ng apo ni Quezon