Trahedya ang sinapit ng isang pamilya sa Dasmariñas, Cavite matapos mag-amok ang isang ama na umano’y dumaranas ng matinding depresyon dahil sa utang, at i-hostage ang dalawa niyang anak at isang kapitbahay.
Ayon sa mga saksi, armado ng patalim ang lalaki nang binihag ang kaniyang mga anak na edad lima at pitong taong gulang. Nakita pa umano siya sa balkonahe habang karga ang isa sa mga bata, pero kalaunan ay napag-alamang patay na ang kaniyang limang-taóng-gulang na anak.
Isang babaeng boarder rin sa nasabing apartment ang nadamay at ginawang bihag ng naturang suspek.
Sinubukan pang pakalmahin ng barangay chairman na si Armando Movido ang suspek.
“Nililibang ko siya, pero bigla siyang nawala sa paningin ko. Pag-akyat namin, sira na yung pintuan,” pahayag ni Movido sa media.
Nang marinig na ng mga pulis ang iyak at sigaw ng mga biktima, agad silang rumesponde at pinasok ang unit ng suspek. Sa gitna ng operasyon, nauwi ito sa engkuwentro kung saan napatay ang ama.
Dinala naman sa ospital ang pitong-taóng-gulang na anak at babaeng kapitbahay, na parehong nagtamo ng sugat mula sa patalim.
Sa ngayon, magkasamang nakaburol ang suspek at ang kanyang batang anak. Ayon sa misis, ilang araw nang balisa at halos ‘di na kumakain ang kanyang asawa dahil sa problema sa utang bago mangyari ang karumal-dumal na insidente.