Naglabas ng opisyal na pahayag ang Municipal Mayor ng Bulusan, Sorsogon na si Wennie Rafallo - Romano hinggil sa sinabi ni Unkabogable Star Vice Ganda patungkol sa “bulok na paaralan” at “kawalan ng reading materials” sa isang eskuwelahan sa naturang bayan.
Ibinahagi niya ang nasabing pahayag sa LGU Bulusan Bulletin Facebook page noong Martes, Oktubre 28, bilang sagot kay Vice Ganda patungkol sa isyu, na aniya’y nagdulot ng kahihiyan sa Bagacay Elementary School, sa bayan ng Bulusan, Sorsogon at maging sa Department of Education (DepEd).
“Bilang ina ng Bayan ng Bulusan, nais ko pong magbigay-linaw sa naging pahayag ni Vice Ganda sa It’s Showtime Episode ng ABS-CBN noong October 24, 2025 patungkol sa kanyang donasyon sa Bagacay Elementary School na kumalat sa social media. Tahasan niyang sinabi na bulok ang eskuwelahan sa probinsya ni Heart Evangelista at walang mga reading materials,” panimula ni Rafallo - Romano.
“Dumalaw po sa Bagacay Elementary School si Vice Ganda noong September 26, 2023, at nag pledge po siya na magbibigay ng donasyon sa paaralan. Ang unang donasyon na ₱50,000 ay pinadala sa School Head noong December 22, 2023, sinundan ito ng karagdagang donasyon noong January 7, 2024, January 24 at January 30 na nagkakahalaga ng ₱17,360. Ang kabuuang donasyon ay ₱67,360 at ang naging proyekto ay ang pagsasaayos ng bintana at pinto at pag-plaster ng dingding ng makeshift classroom, paglalagay ng tiles sa isang comfort room at pagkabit ng internet at bayad ng internet bill sa loob ng tatlong buwan,” aniya.
“Nagpapasalamat po ang LGU Bulusan sa ipinakitang malasakit ni Vice Ganda, ngunit ang paraan ng pagsasamadla ng kanyang donasyon na may komentong “bulok na paaralan at walang reading materials” ay nagdulot ng kahihiyan sa Bagacay Elementary School, sa bayan ng Bulusan, at sa Department of Education. Nabalewala ang lahat ng pagsusumikap ng mga guro at pamunuan, mga magulang at mag-aaral, lokal na liders at ng Kagawaran ng Edukasyon at iba pang stakeholders para mabigyan ng kaaya-ayang paaralan ang mga kabataan na angkop sa kakayahan ng komunidad,” saad pa ng mayor.
Nilinaw din niyang nagpapasalamat sila sa naging donasyon ni Vice Ganda, ngunit bago pa man daw ito dumalaw sa paaralan, may mga nasimulan na rin daw na mga inisyatibo ang paaralan, katuwang ang mga magulang at ang Local Government Unit (LGU).
“Taos-puso pong nagpapasalamat ang LGU Bulusan sa donasyon na naibigay at sa kanyang kagandahang-loob, naayos po ang makeshift classroom na inuumpisahan ng Parents Teachers Association (PTA) at may pondo din galing sa school MOOE at Special Education Fund ng LGU,” ani Rafallo - Romano.
“Gusto po naming ipabatid na bago pa man dumalaw ang team ni Vice Ganda sa naturang paaralan, meron na pong permanenteng classroom na galing sa DepEd, at kumpletong mga aklat at supplementary reading materials na required po ng kagawaran. Sa katunayan, noong Mayo 11, 2023, inilunsad dito ang DepEd Sorsogon ang Reading Program na ‘Project Target’ kaya mayroon ng mga supplementary reading materials na ginagamit ang mga mag-aaral,” aniya pa.
“Ang Reading Kiosk na nahandugan ni Vice Ganda ng karagdagang reading materials ay initiative po ng mga magulang para may pook pahingahan din ang mga bata at makapagbasa sa kanilang bakanteng oras,” dagdag pa niya.
Nanindigan din ang Municipal Mayor na patuloy ang koordinasyon ng LGU Bulusan sa DepEd Sorsogon, gayundin sa Provincial Government, para sa mga pang-edukasyong pangangailangan ng mga paaralan sa naturang lugar.
“Patuloy ang koordinasyon ng LGU Bulusan sa DepEd Sorsogon at sa Provincial Government para masigurong kasama sa mga plano ng lalawigan ang pangangailangan ng ating mga paaralan. Mula pa noon, si Senator Chiz Escudero ay naging aktibong taga suporta mg edukasyon sa Bulusan, lalo na noong siya pa ay gobernador—prayoridad niya ang edukasyon sa panahon ng COVID-19 Pandemic,” anang mayor.
“Makakaasa po ang publiko na mabibigyan ng tamang intervention ang mga kakulangang nabanggit ng walang propaganda, kundi purong intensyon na matulungan ang ating mga mag-aaral. Maraming salamat po,” karagdagan pa niya.
Nilinaw din ni Rafallo - Romano na wala umanong kinalaman ang Kapuso actress at socialite na si Heart Evangelista kaugnay sa isyung ito.
Photo courtesy: LGU Bulusan Bulletin/FB
Matatandaang ibinahagi ni Vice Ganda na tumulong siya sa isang paaralan nang minsa’y dumayo siya sa probinsya ng aktres.
“May pinuntahan akong lugar do’n sa probinsiya nina Heart Evangelista, na isang paaralan na walang reading materials. Pinagawa ko ‘yong eskwelahan. Nagpadala ako ng tulong do’n kasi walang reading materials. Bulok ‘yong paaralan do’n sa lugar nina Heart Evangelista. I cried so much when I saw that school,” ani Vice Ganda.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Bulok ‘yong paaralan:’ Vice Ganda, nagbigay ng tulong sa probinsiya ni Heart Evangelista-Balita
Agad naman itong niresbakan ng Personal Assistant (PA) ni Heart na si Resty Rosell.
“Vice, sa DepEd po kayo manawagan kasi meron budget ang DepEd para sa mga school buildings and reading materials na sinasabi mo. Ano ang intention mo to mention heart’s name? para ano??mema? memasabi ka lang? KALOKAAAA!!! Nag-ambag ka lang pero kung makapagyabang ka parang ikaw yung nagpatayo ng buong building!” aniya.
KAUGNAY NA BALITA: Resbak ng PA ni Heart kay Vice Ganda: 'Nag-ambag ka lang, makapagyabang parang ikaw nagpatayo ng buong building!'-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA