December 13, 2025

Home BALITA National

DPWH Sec. Dizon sa 3 air assets ni Zaldy Co na wala na sa bansa: ‘Di sila maibebenta’

DPWH Sec. Dizon sa 3 air assets ni Zaldy Co na wala na sa bansa: ‘Di sila maibebenta’
Photo courtesy: DPWH/FB, MB


Isiniwalat ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na alam na nilang may mga assets si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na wala na sa bansa, ngunit sinabi niyang may kagandahan naman daw ito.

Sa isang panayam kay DPWH Sec. Dizon nitong Miyerkules, Oktubre 29, sinabi niyang kahit wala na sa Pilipinas ang mga naturang assets, hindi na umano ito maibebenta at maide-register sa Civil Aviation Aviation Authority of the Philippines (CAAP).

“Yes, so alam naman natin na mayroong mga assets na nawala na sa bansa. Pero ang kagandahan, is kahit wala na sila sa bansa, dahil hindi na sila puwedeng ide-register sa ating CAAP, e ‘di sila maibebenta,” ani Sec. Dizon.

“‘Yon naman ang importante, ‘no, na hindi sila maibebenta kahit nasaan pa sila—Singapore, Malaysia—kahit saan pa sila, ‘di sila puwedeng ibenta,” dagdag pa niya.

Inilahad din niyang magiging diskusyon ito sa mga susunod na pagdinig ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).

“At magiging subject sila ngayon ng future forfeiture cases na ifa-file ng National Government, na actually, pagme-meetingan namin ng [Independent Commission for Infrastructure] ICI bukas ng alas-10:00 ng umaga,” anang kalihim.

“Ito ‘yong second meeting namin para pag-usapan na kung kailan magfa-file ng mga civil forfeiture cases against those involved here para masimulan na ‘yong proseso ng pagbabalik ng pera kasi ‘yon naman ang gustong mangyari ng ating Pangulo at ng ating mga kababayan,” saad pa niya.

Matatandaang kinumpirma ng CAAP na wala na sa Pilipinas ang tatlo sa sampung air assets na naka-register sa pangalan ni Zaldy Co.

KAUGNAY NA BALITA: 3 sa 10 air assets ni Zaldy Co, sumibat na sa bansa—CAAP-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA