January 06, 2026

Home FEATURES BALITAktakan

#BalitaExclusives: ‘Totoo nga ang sabi-sabi!’ Babae, kinagalitan ng kapit-bahay matapos sabihing nasa loob sila ng panaginip

#BalitaExclusives: ‘Totoo nga ang sabi-sabi!’ Babae, kinagalitan ng kapit-bahay matapos sabihing nasa loob sila ng panaginip

Ang panaginip siguro ang isa mga maituturing na nakakamanghang kayang gawin ng utak. Binibigyan nito ang isang tao ng alternatibong reyalidad kung saan maaaring matupad ang mga pangarap at pagnanasa.

Pero sa kabilang banda, iniuugnay rin ito sa mga kakatwa at kakila-kilabot na pangyayari. Gaya halimbawa ng ibinahaging kuwento ng isang netizen sa Reddit kamakailan. 

Sa Reddit post ng isang user na may pangalang “Prestigious-Back-371,” pinatotohanan niya ang tungkol sa sabi-sabi na huwag umanong ipapaalam sa mga taong nasa panaginip na sila ay nasa loob mismo nito.

“Sa panaginip ko, may tumatawag sa amin sa labas ng bahay,” lahad ng nasabing Reddit user. “So, tsinek ko, akala ko nga talaga reality, e. Paglabas ko, kapit-bahay namin na nagbebenta ng ice cream. Dumb founded ako bigla kasi never siya nag-business ng gan’n, with matching silver lagayan pa na same sa taho ‘yong dala niya. To support him, I decided to buy 3 ice creams, 20 pesos each.”

Pagpapatuloy niya, “I paid him coins with 1 twenty peso bill. He counted the money I paid him tapos parang alam n’yo ‘yong hirap na hirap siyang kuwentahin kung magkano ‘yong binigay ko. Sobrang tagal tapos nagtataka na rin ako. Then, I realized in my dream na it's not real.” 

“While he's counting it, I told him, ‘Alam kong panaginip lang 'to’ and sarcastic with smile pa no’ng sinabi ko ‘yon sa kaniya. Lo and behold, he looked at me and his expression got angry.. immediately kicked my lower leg,” dagdag pa ni Prestigious-Back-371.

Matapos ito, nagsimula umanong magdilim ang buong paligid sa panaginip niya. Namanhid ang kaniyang buong katawan. Nanigas at parang nakuryente rin. 

At nang subukan niyang sumigaw, hindi niya umano marinig ang sariling boses. 

Pero nabawi rin naman niya ang sarili makalipas ang ilang segundo. Nakagalaw ulit siya at nanumbalik ang boses. Noon niya sinimulang mag-antanda at manalangin ng “Ama Namin.”

Ngunit ano ba ang mga posibleng paliwanag sa likod ng ganitong klaseng panaginip? Bakit nagkakaroon ng mga kakatwa at kakila-kilabot na pangyayari kapag nanaginip?

Sa eksklusibong panayam ng Balita, ipinaliwanag ng psychologist na si Lordy Angelo Santos na ang panaginip ay isang natural na penemenong binibigyang kahulugan ang iniisip o ginagawa ng isang tao.

Malayo umano ito sa mga ipinapakita sa mga pelikula at aklat na kinakasangkapan ang panaginip para makapaghatid ang Diyos ng mensahe sa tao o magsilbing bintana upang makita ang ibang bersyon ng sarili sa kabilang uniberso.

“Recent research suggests that dreams are a natural phenomenon wherein our brains are trying to make sense of thoughts, worries, or maybe even activities. Kumbaga parang tumatak sa ating isipan. Minsan mga unfinished business,” saad ni Santos.

Dagdag pa niya, “It could be [unconscious desire] especially,  for example, in a day you have this unconscious desire that you failed to verbalize or that you failed to recognize. [...] It can manifest through dreams.”

Pero paalala ni Santos, may tiyak na pinagmumulan ang panaginip. Hindi ito nanggagaling lang sa kung saan.

“This is usually the breadcrumbs or leftovers of the day,” aniya.

Samantala, sa kaso naman ng ibinahaging kuwento sa Reddit tungkol sa kakatwang panaginip, maaari umanong sa isang punto ng buhay ng babae ay nakaranas siya ng social problem na hindi nito lubos na naproseso ayon kay Santos.

“It’s hard to identify…why it occurred, how it occurred. But most likely, maybe at a certain point in the person’s life, he or she might have experienced some social problems that were left unprocessed. It could manifest na rin in such a way,” paliwanag ng psychologist.

Ayon pa kay Santos, puwede rin umanong tingnan bilang halimbawa ng lucid dream ang naranasan ng babae dahil malay ang huli sa panaginip nito.

“‘Yon nga lang, limited din talaga ang kontrol even though it [lucid dream] happened,” pasubali niya. “Saka ‘yong conscious effort for us to control these things hindi pa siya masyadong naba-back up ng evidences that we have right now. But yes, it can happen.”

Bukod dito, nilinaw din ni Santos sa panayam ang pagkakaiba ng panaginip sa bangungot. 

Aniya, “Mayro’n tayong tinatawag na night terrors in the field of psychology or sleep science. So, it's not actually a real form of dream, kasi it’s not occurring in this stage na tinatawag nating rapid eye movement.“

“So ang dreams kasi are those things that we have experienced in rapid eye movement. ‘Yong bangungot is usually seen as a night terror. Kaya minsan hindi natin alam kung bakit tayo natataranta; bakit tayo takot na takot,” wika pa ni Santos.

Kaya para maiwasan ang ganitong tagpo sa pagtulog, ipinayo ni Santos na i-regulate ang stress at panatilihing malusog ang sarili.

Inirerekomendang balita