December 14, 2025

Home FEATURES BALITAkutan

Alin ang scariest? Ang apat na uri ng “Ghost” sa kasalukuyan

Alin ang scariest? Ang apat na uri ng “Ghost” sa kasalukuyan
Photo courtesy: Freepik/Cup of Joe (FB)/via MB

Ano-ano ang multo mo?

Sa panahon ngayon, ang salitang “ghost” ay hindi na lamang tumutukoy sa mga nilalang na gumagala sa dilim. Sa paglipas ng panahon, nagbago ang kahulugan nito, mula sa mga multong nakakatindig-balahibo hanggang sa mga “ghost” na mas nakakatakot dahil totoo at buhay.

Narito ang apat na uri ng “ghost” sa kasalukuyang lipunan, mula sa paranormal hanggang sa politikal:

1. Literal na Ghost: Mga Kaluluwang Gala, Mga Espiritung Ligaw

BALITAkutan

ALAMIN: Ang paglaya ni Clarita Villanueva mula sa pagsapi ng mga demonyo

Ang ghost o multo, sa simpleng pagpapakahulugan, ay kaluluwa raw ng isang namatay na nilalang na nananatili sa mundo dahil may hindi pa raw natapos na misyon o hindi mapakaling damdamin.

Sa kulturang Pilipino, malalim ang paniniwala sa mga multo, mula sa mga nagpaparamdam sa lumang bahay hanggang sa mga “white lady” sa kalsada.

Photo courtesy: Freepik

Sa bawat panig ng bansa, may mga kuwento ng pagpaparamdam: babaeng umiiyak sa lumang paaralan, sundalong nagbabantay sa sementeryo, batang humihingi ng tulong sa abandonadong ospital, o mga pari o madreng nasa mga opisina.

Bagama't madalas itong ikinatatakot, ang iba ay naniniwalang ang mga multo ay hindi mananakit; bagkus, naghahanap lamang ng kapayapaan.

Marami sa mga urban legend at sikat na kuwento ng multo sa Pilipinas ang naging bahagi na ng ating kultura at kumbaga, pinagpasa-pasahan at pinagsalin-saling-dila na rin sa mga kuwentuhan. Kadalasan, ang mga ito ay nagmula sa mga karanasan ng mga lokal, o mga kuwento ng mga “nakakita raw” ng kababalaghan.

Siguro naman, pamilyar ka sa kuwento ng White Lady sa Balete Drive sa Quezon City? Ayon sa mga kuwento,, isang babaeng nakaputi ang biglang sumusulpot sa mga dumaraang sasakyan sa kahabaan ng Balete Drive sa Quezon City, na madalas daw ay sumasakay sa likuran ng mga kotse.

Sinasabing siya ay isang dalagang naaksidente o ginahasa at pinaslang sa lugar noong dekada 1950, at hindi pa rin matahimik hanggang ngayon.

2. "Ghosting:" Biglaang Paglaho sa Mundo ng Pag-ibig

Sa makabagong panahon at termino ng mga Millenial at Gen Z, ang ghosting ay hindi na tungkol sa kaluluwa kundi sa emosyon.

Ito ang tawag sa biglaang pagkawala o pananahimik ng isang taong nanligaw, karelasyon, o ka-“situationship” nang walang paliwanag. Isang araw, ka-chat mo pa siya, at sa susunod, tila naglaho na parang bula.

Photo courtesy: Freepik

Ang sakit ng ghosting ay hindi lamang sa pagkawala, kundi sa kawalan ng kasagutan. Parang pelikulang bitin, walang ending, walang closure.

Sa panahon ng social media, mas madali itong gawin. Isang “seen,” isang “unfriend,” isang "pag-unfollow," isang “block,” at tapos ang istorya. Sa likod ng biruan tungkol sa ghosting ay mga pusong sugatan at mga tanong na hindi kailanman nasagot.

3. Mga Multo ng Nakaraan: Mga Alaalang Hindi Ma-let Go

“Hindi na nananaginip

Hindi na ma-makagising

Pasindi na ng ilaw

Minumulto na 'ko ng damdamin ko

Ng damdamin ko..."

Ilan lang ito sa lyrics ng kantang “Multo” ng Cup of Joe, na tumatama sa maraming nakararanas ng “ghost” ng kanilang nakaraan.

Photo courtesy: Cup of Joe/FB

Ang ganitong ghost ay hindi nakikita, ngunit dama. Isa itong alaala ng dating pag-ibig, pagkakamali, o panahong hindi na maibabalik, na patuloy na bumabalik kahit gaano subukang kalimutan. Para itong anino ng damdaming hindi mo kayang takasan. Ang ganitong multo ay personal at emosyonal, pero madalas, nagtuturo din ng aral; na may mga bagay talagang dapat nang pakawalan upang tuluyang makalaya.

4. Ghost Projects at Ghost Employees: Multo ng Korapsyon at Anomalya sa Pamahalaan

Ngunit sa lahat ng uri ng ghost, ito marahil ang pinakanakakatakot sa ngayon, ang isyu ng ghost projects. Hindi man ito nagpaparamdam sa gabi, subalit nagpapasindak sa maraming kababayan sa tuwing umuulan ng malakas, bumabagyo, o lumilindol. Ito ang mga proyektong nakatala sa budget, may pondong inilaan, ngunit kailanman ay hindi naipatupad. Sa ibang uri o porma ng korapsyon o katiwalian, may tinatawag pang ghost employees din: mga pangalan ng empleyadong nakalista sa payroll ngunit hindi naman talaga nagtatrabaho, o hindi naman talaga nag-eexist.

Sa Pilipinas, mainit na pinag-uusapan ang ghost projects na may kinalaman sa mga maanomalyang flood control projects. Mga proyektong dapat sana’y nagpoprotekta sa mamamayan laban sa baha, ngunit nauuwi sa bulsa ng maraming kurakot na politiko. Hindi lamang mga karaniwang mamamayan ang bumoboses, pati na ang mga sikat na celebrity at personalidad ay nangangalampag na rin halos araw-araw para lamang ipanawagang may managot.

Sabi nga, sa bawat kilometro ng kalsadang hindi natapos, sa bawat tulay na walang pundasyon, at sa bawat dike na sinimulan lamang sa papel, naroroon ang multo ng korapsyon.Trilyong piso ang nasasayang na napupunta sa bulsa ng mga korap, at ang ibinibigay na serbisyo sa mga mamamayan na nagbabayad ng buwis ay substandard na lamang; sapal o latak na lamang mula sa nasimot na kaban ng bayan.

Photo courtesy: via MB

Batay pa sa pahayag ng mga tao, ang ganitong mga ghost ay hindi lang nakatatakot kundi nakasusuklam. Dahil sa likod ng bawat nawawalang pondo ay mga pamilyang nasalanta, mga pamayanang lumubog sa baha, at mga pangakong napako sa kawalan.

Sa kasalukuyan, patuloy ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastractures (ICI) hinggil sa maanomalyang flood control projects, na hangad ng mga lahat na huwag sanang hayaan at tuluyang tangayin ng baha ng kawalang-hustisya at kawalang pananagutan.

Ikaw Ka-Balita, alin sa mga "ghost" na ito ang pinakakahindik-hindik at pinakakatakot-takot?