December 16, 2025

Home FEATURES BALITAkutan

ALAMIN: Paano mapapalayas ang demonyo sa bahay ninyo?

ALAMIN: Paano mapapalayas ang demonyo sa bahay ninyo?
Photo courtesy: Pexels/Freepik

Bigla ka na lang bang tinatayuan ng balahibo sa loob ng bahay ninyo? May nararamdaman ka bang kakaibang presensiya o enerhiya sa loob ng inyong tahanan na hindi mo maipaliwanag? Parang laging mabigat ang pakiramdam, at tila sunod-sunod ang mga hindi kanais-nais na pangyayari sa iyo at sa iyong pamilya?

Nagbigay ang Facebook page na “HugotSeminarista" ng 11 palatandaan na maaaring may “demonyo” o masamang espiritu na naninirahan sa inyong tahanan.

Pero paalala nila, "These signs may have natural causes, so don’t jump to conclusions. But if several persist, protect your home through prayer, the sacraments, and sacramentals like holy water or the St. Benedict Medal. Most importantly, seek guidance from a Catholic priest or exorcist."

Ibinahagi rin nila na ang kanilang reference sa mga ibinigay nilang senyales ay mula sa Catechism of the Catholic Church, Paragraph 1673 – [Vatican Website].

BALITAkutan

ALAMIN: Ang paglaya ni Clarita Villanueva mula sa pagsapi ng mga demonyo

BASAHIN: ALAMIN: Mga senyales na posibleng may demonyo sa bahay ninyo

Pero paano nga ba mapapaalis ang demonyo o masamang elemento sa bahay?

Ayon sa pananaw ng United States Conference of Catholic Bishops (USCCB) at ng Katolikong tradisyon, narito ang ilang legit na hakbang na puwedeng gawin:

1. Kumonsulta sa isang pari o kaya naman ay exorcist

Ayon sa USCCB, kung pakiramdam mo ay may kakaibang presensiya sa bahay, huwag agad mag-panic o tumawag sa albularyo. Makipag-ugnayan sa inyong parokya o diocesan office para humingi ng tulong at ma-assess nang tama ang sitwasyon.

Kung halimbawang may sinaniban o sinapian o “major exorcism," pormal na ritwal para sa demonic possession, ang pagpapalayas sa demonyo ay dapat gawin ng isang pari na may pahintulot mula sa obispo. Bago ito isagawa, mahalagang matukoy kung may mas simpleng dahilan (halimbawa medikal, sikolohikal) bago ituring na seryoso ang demonic activity.

2. Pagpapabasbas sa bahay gamit ang mga banal na bagay

Halimbawa nito ay mga banal na tubig (holy water), binasbasang asin, kandila, krus, o kaya naman ay larawan ng mga santo. Sa ibang pamilya, bago bahayan o tirhan ang isang bahay, nagsasagawa muna ng housewarming o house blessing.

3. Pagpapahayag ng pananampalataya, pagdarasal, pagbabalik-loob

Kabilang rito ang pagsisisi sa kasalanan, pagdalo sa Misa, panalangin, at pangungumunyon. Maaaring magdasal kay “St. Michael the Archangel" para maitaboy raw ang demonyo.

4. Pag-aalaga ng mga pusa

Hindi itinuturing ng Simbahang Katolika na ang pusa o anumang hayop ay may kakayahang magpalayas ng demonyo o masamang espiritu.Walang basehan sa Biblia o opisyal na turo ng simbahan na nagsasabing ang pag-aalaga ng pusa ay nakakaalis ng demonyo.

Pero sa pamahiin, may paliwanag na ang mga pusa ay sensitibo sa paligid at mabilis makaramdam ng ingay, galaw, o pagbabago ng enerhiya sa bahay. Dahil dito, iniisip ng iba na “nakakaramdam” sila ng kakaibang presensiya, pero kadalasan, simpleng reaksiyon lang ito ng hayop sa tunog o amoy. Sa ilang kultura (halimbawa, Egyptian at Japanese), simbolo ang pusa ng proteksyon at suwerte, kaya posibleng doon nagmula ang paniniwalang “nakakaalis ng malas.”

Sabi pa ng ilan, pinabibilang daw ng pusa sa demonyo ang kanilang balahibo bago payagang makanti o saktan ang kanilang amo.

5. Paglilinis ng bahay

Baka naman kaya may kakaiba ka nang nararamdaman sa bahay ay dahil sa sobrang kalat o dumi. Mas makabubuting maglinis ng bahay para naman umaliwalas ang paligid at pakiramdam.

Teka, teka: Puwede ba ang Pagkonsulta sa mananawas, albularyo, o espiritista?

Ang pagkonsulta sa albularyo o mananawas para mapalayas ang demonyo sa bahay ay hindi inirerekomenda ng Simbahang Katolika, at itinuturing pa nga itong mapanganib sa espiritwal na aspeto. Baka kasi magbukas pa ito sa pinto para papasukin sa bahay ninyo ang iba pang masasamang elemento.

Subalit kung personal kang naniniwala sa okultismo at hindi ka mapipigilan, nasa sa iyo na iyan.

Tandaan, pinakamainam pa rin ang pananampalataya, panalangin, at sakramento bilang tunay na proteksyon laban sa masamang espiritu.