Binigyang-linaw ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi umano pag-atake sa gobyerno ang dahilan ng putukang naganap sa Tipo-Tipo, Basilan noong Martes, Oktubre 28.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay AFP Spokesperson Col. Francel Margareth Padilla nitong Miyerkules, Oktubre 29, sinabi niyang “local conflict” ang ugat ng putukan sa nasabing lugar.
“Based sa report natin, nagsimula ito bilang isang rido o local conflict,” pagsisimula niya, “away ito ng mga grupo mula sa magkakalapit na barangay.”
“Hindi po ito coordinated attack laban sa gobyerno. Ito po ay local na alitan na kalaunan, nag-escalate na rin doon sa area,” paglilinaw pa ni Padilla.
Pagpapatuloy ni Padilla, mga miyembro raw ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) at “local lawless” ang sangkot sa nasabing insidente at hindi dawit doon ang AFP.
“May mga local groups na sangkot dito. Kabilang na nga ‘yong ilang armadong miyembro dito ng MILF at local lawless elements,” ani Padilla.
“Pero ang malinaw, hindi po ito labanan sa pagitan ng AFP at MILF,” ‘ika pa niya.
Anang Colonel, isang “series of events” daw ang tinitingnan nilang dahilan ng insidente mula sa mga nasabing agresibong grupo.
“Ang tinitingnan natin dito, this is a series of events. Nag-ugat ito, mayroong series incident that lead to this rido,” ayon kay Padilla.
Sinusubukan na umanong makipag-ugnayan ng AFP sa pamunuan ng MILF, Council Elders at provincial government ng nasabing lugar upang maayos umano ang problema sa mapayapang paraan.
“Nakikipag-ugnayan tayo sa ating MILF leadership pati na rin ang Basilan Council of Elders and provincial government para maayos nga natin itong sitwasyon na ito sa pamamagitan ng dialogue at this point,” pagtatapos pa niya.
Samantala, nilinaw naman ni Padilla na wala raw “casualty” na naitala sa hanay ng AFP ngunit hindi nila tiyak kung mayroon bang nasaktan sa kabilang grupo.
MAKI-BALITA: Sagupaan umano sa Tipo-Tipo, Basilan, under control na!—AFP
MAKI-BALITA: Klase at opisina ng gobyerno sa Tipo-Tipo, kanselado matapos lusubin ng MILF
Mc Vincent Mirabuna/Balita