Naaresto ng Philippine National Police (PNP) ang 100 wanted na mga indibidwal, kasabay ang pagkakasamsam ng halos ₱9 milyong halaga ng droga sa Rehiyon ng Bicol, sa loob lamang ng pitong araw.
Isiniwalat ng PNP na ang malawakang operasyong ito ay isinagawa sa rehiyon noong Oktubre 20 hanggang 26.
Ayon sa kanilang ulat, walo sa 100 na nasakote ay provincial-level most wanted, 14 ay municipal level fugitives, at 78 naman ay mga wanted persons na may umiiral na warrants.
Sa parehong ulat, umabot sa higit 1,318.25 gramo ng shabu at 25.24 gramo ng marijuana ang nasamsam ng awtoridad, na tinatayang may halagang aabot sa ₱8,967,128.80.
Nakumpiska ng Regional Police Drug Enforcement Unit (RPDEU) ang pinakamalaking halaga ng ilegal na droga, na aabot sa ₱4,080,000.00.
Sa isinagawang operasyon naman ng bawat probinsya, nasabat ng Camarines Norte Police Provincial Office (Camarines Norte PPO) ang mga drogang aabot sa halagang ₱2,061,760.00, sinundan ng Camarines Sur Police Provincial Office (Camarines Sur PPO) na may ₱1,841,536.80, at Albay Police Provincial Office (Albay PPO) na nakakumpiska ng ₱704,412.00.
Ibinahagi naman nina Acting PNP Chief Jose Melencio C. Nartatez Jr. at PNP Spokesperson Randulf T. Tuaño ang kanilang mga pahayag hinggil sa malawakang operasyong isinagawa ng ahensya.
“Ang mga alagad ng batas ng Philippine National Police ay simbolo ng dedikasyon, integridad, at propesyonalismo. Higit pa sa pagpapatupad ng batas ang aming layunin—ito rin ay tungkol sa pagpapalakas ng tiwala ng komunidad, pagbibigay ng seguridad, at pagpapaabot sa bawat mamamayan na naroroon ang presensya ng kapulisan. Ang bawat hakbang na aming ginagawa ay nagpapatibay sa ugnayan ng pulis at publiko,” ani Nartatez.
“Habang kinikilala natin ang mga tagumpay na ito, hindi humihinto ang aming misyon. Lahat ng alagad ng batas ay patuloy na naglilingkod nang may propesyonalismo, transparency, at integridad upang matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng bawat komunidad sa bansa,” ani Tuaño.
Ayon sa PNP, ang mga operasyon ay isinagawa sa ilalim ng direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya laban sa ilegal na droga.
Matatandaang kamakailan, naaresto ng PNP at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang dalawang high-value individuals (HVIs) sa Bugallon, Pangasinan matapos masamsam sa kanila ang 125 kilo ng hinihinalang shabu, na may halagang aabot sa humigit-kumulang ₱850 milyon.
KAUGNAY NA BALITA: 2 HVIs, arestado; ₱850M halaga ng ilegal na droga, nasamsam-Balita
Sa hiwalay na operasyon, sinunog naman ng awtoridad ang higit ₱11 milyong halaga ng marijuana sa Kalinga.
KAUGNAY NA BALITA: PNP sinunog higit ₱11M halagang mga puno ng Marijuana sa Kalinga-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA