Nagbigay ng bagong pahayag si Senate Pro Tempore Sen. Ping Lacson kaugnay sa susunod na magiging pagdinig ng Blue Ribbon Committee tungkol sa imbestigasyon sa maanomalyang flood-control projects kung muli siyang maupo bilang chairperson nito.
Ayon sa naging panayam ng Storycon sa One News PH kay Lacson nitong Martes, Oktubre 28, sinabi niyang mas magiging malawak ang pag-iimbestiga nila sa maanomalyang flood-control projects dahil na rin umano sa “mahalaga” niyang witness ngayon.
“Medyo malawak-lawak na hindi lumalabas sa mga naunang hearing,” ani Lacson.
Pagpapatuloy pa niya, may mga bago at malaki raw pangalan silang iimbestigahan kaugnay sa nasabing maanomalyang mga proyekto.
“May ilalabas na mga bagong pangalan at saka medyo malaking pangalan,” saad niya.
Dagdag pa ni Lacson, hindi raw muna niya ilalabas kung sino-sino ang mga nasabi niyang indibidwal at malalaman na lang ito ng publiko kung sakaling matuloy ang nakatakda niyang pagdinig ng nasabing Komite sa darating na Nobyembre 14, 2025.
“Let’s limit at that kasi kapag nasa harap na namin ‘yon, maririnig na nating lahat ‘yon, e. We only have to wait until November 14. Maririnig natin ‘yan kung sakaling haharap siya doon,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nauna nang magpahiwatig si Lacson na nakatakdang magbalik ang pagdinig ng Senado sa imbestigasyon ng flood control projects ayon sa kaniyang X post noong 25, 2025.
“If elected again as Blue Ribbon chairman on Nov 10, our hearing will resume on Nov 14," ayon kay Lacson.
“To help speed up the filing of airtight cases against some politicians, DPWH officials and errant contractors, we will invite among others, a ‘very important witness’ and retired TSgt Orly Guteza to shed more light on his “sinumpaang salaysay," paliwanag pa niya.
MAKI-BALITA: Senado, pansamantalang sinuspinde pagdinig sa isyu ng flood control
Mc Vincent Mirabuna/Balita