Binatikos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang pangha-harass ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS), sa ika-47 ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) at Related Summit sa Kuala Lumpur, Malaysia.
Sa kaniyang intervention speech sa ika-28 ASEAN-China Summit, binigyang-diin ni PBBM ang kahalagahan ng pag-iimplementa ng Code of Conduct (COC) sa South China Sea, alinsunod sa 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).
Binakbakan din PBBM ang mga umano’y agresibong panggigipit ng Chinese vessels sa mga barko at eroplano ng Pilipinas sa WPS.
Kasama sa ibinahagi ng Pangulo ay ang umano’y pagpapalala ng “unilateral declarations,” tulad ng planong pagtatayo ng “nature reserve” sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, dahil ito raw ay malinaw na paglabag sa soberanya ng bansa.
Dito ay binanggit din ni PBBM ang Provisional Understanding sa pagitan ng Pilipinas at China tungkol sa rotation and resupply (RORE) missions sa BRP Sierra Madre sa Ayungin Shoal, na matagumpay nang nakapagsagawa ng 10 misyon.
Sa kabila ng mga usaping ito, tiniyak ni PBBM nananatiling bukas ang Pilipinas sa diplomasya at diyalogo para mabisang maresolbahan ang tensyon sa karagatan ng bansa.
Sean Antonio/BALITA