Pinag-iingat ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko kaugnay sa kumakalat na pekeng Land Transportation Management System (LTMS) Portal website ng kanilang ahensya.
Ibinahagi ng LTO - Philippines sa kanilang Facebook post nitong Martes, Oktubre 28, ang naturang babala na anila, isa umanong “phishing scam.”
“Mahigpit na pinaaalalahanan ng Land Transportation Office (LTO) ang publiko sa kumakalat na pekeng Land Transportation Management System (LTMS) Portal website,” anang LTO.
“Ang pekeng website na ito ay isang uri ng Phishing Scam na karaniwang matatanggap mula sa isang text message na naglalaman ng pekeng abiso patungkol sa diumanong pagkakahuli o pagkakaroon ng traffic violation, at may kalakip na link na magdidirekta sa nasabing pekeng LTMS Portal Website,” saad pa nila.
Photo courtesy: Land Transportation Office - Philippines/FB
Nilinaw din ng ahensya na hindi sila nagpapadala ng text message hinggil sa traffic violation ng isang indibidwal.
“Bilang paglilinaw, ang LTO ay hindi nagpapadala ng text message na naglalaman ng link patungkol sa inyong traffic violation,” anila.
Kalakip din ng nasabing Facebook post ang lehitimong links ng ahensya upang masigurong tama ang binibisitang website ng publiko.
Nag-abiso rin silang i-report sa kanilang tanggapan kung sakaling maranasan ang naturang phishing scam.
Vincent Gutierrez/BALITA