Itinanggi ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) na pinatawag nila si Senador Bong Go para magsilbing resource person.
Ito ay matapos ibahagi ni dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV ang impormasyong nakarating sa kaniya na inimbitahan ng komisyon si Go.
Ngunit ayon sa mga ulat nitong Martes, Oktubre 28, pinabulaanan ni ICI executive director Brian Keith Hosaka ang nasabing balita.
“No invitation has been sent by the commission to Senator Bong Go to appear as resource person,” aniya.
Matatandaang natanggap na ng ICI ang isinampang reklamo ni Trillanes laban kina Go at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Pero bago pa man ito, nauna nang nagsampa ng kaso si Trillanes sa Office of the Ombudsman laban sa dalawa kasama ang kapatid at ama ni Go.
Kaugnay ito sa relasyon nina Go at Duterte sa bilyong pisong imprastruktura na iginawad sa CLTG Builders at Alfrego Builders na pag-aari ng ama at kapatid ng senador.
Maki-Balita: Sonny Trillanes kinasuhan ng plunder si FPRRD, Bong Go, 2 iba pa