December 14, 2025

Home FEATURES BALITAkutan

‘Tumakbo ka na bago ka niya maabutan:’ Ang nagmamadaling paa sa hagdan

‘Tumakbo ka na bago ka niya maabutan:’ Ang nagmamadaling paa sa hagdan
Photo courtesy: Unsplash

Maraming Pinoy ang naniniwala na bukod sa mga tao, mayroon ding mga nilalang na nakikipamahay sa mga tirahan ng bawat pamilya. 

Ang ilan sa mga nilalang na ito ay pinaniniwalaang espiritu ng mga namayapang kaanak na nagsisilbing “guardian” ng bahay, habang ang ilan naman ay mga kaluluwang “na-trap” mula sa mga nakalipas na panahon.

Sa kuwentong ibinahagi ng isang netizen mula sa Tondo, Maynila, na si Bernadette, isang istorya ng kaluluwang tila napag-iwanan ng panahon ang nagpapahiwatig ng kaniyang presensya sa kaniyang pamilya. 

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Bernadette, ikinuwento niya na nasa high school siya noong maranasan niya ang pagpaparamdam. 

BALITAkutan

ALAMIN: Ang paglaya ni Clarita Villanueva mula sa pagsapi ng mga demonyo

“Naalala ko, high school ako noon, Sunday ‘yon, may pasok na kinabukasan kaya nauna na akong umakyat sa kwarto,” panimula niya. 

“Pagbukas ko ng pinto napundi [‘yong] ilaw, pero hindi ako natakot since alam kong napupundi-pundi na siya kaya inayos ko lang ‘yong bumbilya. Tapos, papasok na sana ako [sa kwarto] nang may naaninag akong tall figure sa dulo ng kwarto ko. Kasabay non, may naririnig ako na para bang nag mamadaling pababa mula sa 3rd floor,” aniya. 

Ipinaliwanag niya na ang hagdan papunta sa 3rd floor nila ay nasa ibabaw lang ng pinto ng kwarto niya.

“Ako, curious at confused, dinungaw ko. Ang nakita ko, sobrang putlang paa, parang sa lalaki itsura niya,” saad niya. 

Binanggit din ni Bernadette na mas naging kakaiba pa ang engkwentro sa naturang nilalang dahil sa mabilis ng tunog ng pagbaba kahit na  mabagal ang galaw ng mga paa. 

“Hindi agad ako natakot, pero medyo kinikilabutan na ako kaya lumapit ako sa pinto ng second floor, aktong pipihitin yung doorknob,” saad niya. 

Habang nag-aabang sa magiging galaw ng mga nakitang paa, bigla raw may bumulong sa kaniya, “tumakbo ka na bago ka niya maabutan.” 

“Doon ako dali-daling bumaba. Nakita rin siguro ni Nanay ‘yong itsura ko noon kaya hindi na siya nagtanong at pinatulog nalang ako sa sofa,” dagdag pa niya. 

Kinabukasan matapos ang naging pangyayari, habang naghahanda papuntang eskwela si Bernadette, muli niyang naaninag ang bumababang paa mula sa hagdan nila. 

“Actually wala sa isip ko yung nangyari kagabi, pero yung dog ko nakatingin lang sa stairs. As in kahit anong tawag ko, ayaw niya umalis ng tingin don. Kaya imbis na i-entertain ko, lumingon ako pakabila,” aniya. 

“Sa peripheral vision ko nakita kong bumaba yung paa,” pagtutuloy niya.

Sa pagtatapos ng panayam, napagtanto niya na hindi lamang mga kuwentong pananakot ang mga kaluluwa o kathang-isip, ngunit mga tao na dati ring namuhay rin sa mundo. 

Sean Antonio/BALITA