Isa sa mga pinakakilalang pamahiin kaugnay sa mga katatakutan at kababalaghan sa Pilipinas ang paniniwalang kapag nakita mo ang iyong “doppelganger” o kakambal na hindi mo naman kadugo, ito ay masamang senyales—madalas, kamatayan daw ang kasunod.
Ngunit para kay "Maricel Ramos," hindi niya tunay na pangalan, 29-anyos na tindera mula sa Caloocan City, ang kakaibang karanasang ito ay naging pagsubok na hindi lamang nagpatibay ng kaniyang paniniwala sa kababalaghan, kundi pati sa kapangyarihan ng panalangin.
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Maricel, bandang 8:00 ng gabi taong 2018, pauwi na siya mula sa tindahan ng kaniyang ina nang mapansin niyang tila may kasabay siyang naglalakad sa kabilang kalsada; isang babaeng kaparehong-kapareho ng kaniyang hitsura, mula buhok hanggang suot na damit.
“Akala ko noong una, may salamin lang sa tapat ng kalsada. Pero nang tumigil ako, tumigil din siya. Nang tumakbo ako, tumakbo rin siya, pero nasa kabilang daan,” kuwento ni Maricel. “Doon ko naisip, hindi ito normal. Baka ito na nga yung sinasabi nilang doppelganger.
Dahil sa sobrang takot, tumakbo siya papasok sa kanilang bahay at agad na sinabihan ang kaniyang ina. Nagdasal umano sila ng "Ama Namin" at nagsindi ng kandila sa altar. Ngunit ayon kay Maricel, hindi doon natapos ang kababalaghan.
“Kinabukasan, habang nagluluto ako ng ulam, bigla kong narinig ang sarili kong boses sa labas ng bahay. Pareho, pati tono,” aniya. “Nang silipin ko, nakita ko ulit ‘yong babae. Nakatitig lang siya sa akin, walang ekspresyon.”
Dahil sa pangambang baka totoo nga ang sabi-sabi na mamamatay ang taong makakaharap ang sarili niyang doppelganger, agad siyang lumapit sa isang mananawas na malapit lamang sa kanila, na kakilala naman ng nanay niya.
Ayon kay “Aling Berta,” isang mananawas, at itinago sa hindi tunay na pangalan, kailangan daw ni Maricel na “putulin ang koneksyon” sa pamamagitan ng pagdarasal pangontra habang may hawak na asin at itim na kandila.
“Pinagawa ko sa kaniya ang ritwal bago maghatinggabi,” paliwanag ni Aling Berta. “Kung hindi siya nagdasal at lumaban, baka nawala na siya kinabukasan.”
Matapos ang ritwal, sinabi ni Maricel na nakaramdam siya ng biglang gaan ng pakiramdam at mula noon ay hindi na niya muling nakita ang babae.
“Parang nabunutan ako ng tinik. Naniniwala ako na may masamang espiritu na gumagaya sa mga tao para lituhin tayo. Pero siguro, dahil nagtiwala ako sa Diyos, hindi siya nagtagumpay,” sabi pa ni Maricel.
“Kung maranasan man ng iba ‘yung naranasan ko, huwag agad mag-panic,” payo niya. “Magdasal, at huwag matakot. Minsan, sinusubok lang tayo kung gaano katatag ang pananampalataya natin.”
ANO NGA BA ANG DOPPELGANGER?
Ang salitang “doppelganger," sa paliwanag ni Kuya Kim Atienza sa "24 Oras" noong Enero 2025, ay nagmula sa German words "double goers." Sa pokloriko, tumutukoy ito sa "replica" ng kaluluwa o espiritu ng isang tao.
Sa matandang paniniwala, delikado raw ang pagkakaroon ng doppelganger, dahil ang pagkikita ng isang tao sa kaniyang doppelganger ay masamang palatandaan.
Ang mga doppelganger daw ay maaaring kaluluwa, espiritu, o masamang nilalang na kumukuha ng anyo ng tao upang palitan o “kunin” ang kaniyang buhay.
Gayunman, pagdating naman sa agham, paliwanag ng mga siyentipiko na ito ay tinatawag na “doppleganger illusion," isang uri ng guni-guni o visual disturbance na dulot ng sobrang pagod, stress, o kakulangan sa tulog.
Misteryo man o siyensya, nananatiling palaisipan sa marami ang mga kuwento ng mga taong nakakita ng kanilang kakambal na hindi naman totoo, tulad ng karanasan ni Maricel Ramos.