Ang Undas ay isang mahalagang panahon para sa mga pamilyang may kaanak na yumao, upang kilalanin at baliktanawin ang alaalang ibinahagi nila sa mundo noong sila ay nabubuhay pa.
Ngunit ang paggunita ng Undas taun-taon ay mabilis lamang, kung kaya’t dapat ialay ng bawat isa ang pinakaswak na pagkain, pinakamabangong bulaklak, at siyempre, ang nagbibigay-tanglaw sa mga yumao, ang kandila.
Pero iba’t iba ang dimensyon ng mga kandila—lalo na sa laki, haba, at kulay. Paano nga ba pipiliin ang perpektong kandila para sa mga yumao?
Kahalagahan ng mga kandilang alay para sa mga yumao
Matagal nang tradisyon ang pag-aalay ng kandila sa mga namayapang tao. Hindi lamang ito simpleng kultura, ngunit isa itong simbolo ng pag-alala sa kanila at pagbibigay-liwanag sa buhay ng bawat isa, gamit ang iniwan nilang mga alaala.
Nagsisilbi rin itong koneksyon ng namayapa at mga buhay, na hindi kailanman kayang putulin at hadlangan ng kahit ano, kahit pa kamatayan.
Uri ng kandila base sa kulay at ang kahulugan nito
1. Puting kandila
Ang kulay na puti ay ang pinakapayak at pinakaprominenteng kulay ng mga kandila. Pinakamadalas din itong ginagamit bilang alay sa mga namayapang tao.
Sumisimbolo ang puting kandila sa kapayapaan, pagiging dalisay, at ang paglalakbay ng kaluluwa sa pinakamataas na kaharian.
Ang pagtitirik ng puting kandila ay isang paraan upang ipagdasal ang namayapa na magkaroon ng panghabangbuhay na kapahingahan.
2. May kulay na kandila
Ang bawat kulay ng kandila ay pinaniniwalaang may kahulugan. Sa pagpili, maaaring alalahanin kung ano ba ang gusto o paboritong kulay ng yumao, o kaya naman ang angkop na kulay base sa naging buhay ng naturang namayapa.
Kung pipiliin ang pula, inilalahad nito ang kagandahan ng pagmamahal. Kung asul naman, espirituwalidad at pagiging kalmado ang nais nitong ipahiwatig. Kung dilaw ang mapipili, kagalakan at kasiyahan naman ang kahulugan nito.
Mainam na piliin ang pinakaangkop na kulay ng kandila na naaayon sa kahulugan nito.
Amoy ng kandila at ang mensaheng ipinahihiwatig nito
Nakadadagdag ng kainaman sa paggunita sa mga yumao ang pagpili ng kandila base sa amoy nito. Tulad ng mga kulay, may ipinahihiwatig ding kahulugan ang mga ito.
Halimbawa, kung pipiliin ang lavender scent, magdadala ito ng “relaxation” at “peaceful” ambience para sa mga naulila. Kung rosas naman ang amoy, matinding pagmamahal ang nais nitong iparamdam at ipahiwatig.
Sukat at hugis ng kandila
Sa pagpili ng sukat at at hugis ng kandila, kailangang isipin ang lokasyon at “purpose” ng pag-aalay nito.
Kung ang tribute ay para sa “main memorial display” o centerpiece, akma rito ang mas malalaking kandila. Sa kabilang banda, mas mainam ang mas maliliit na kandila para sa indibidwal na pag-alala.
Iba pang simbolismo ng pagtitirik ng kandila
Ang pag-aalay ng kandila ay isa ring paraan upang ipakita ng mga naulila ang tunay nilang pagkilala sa namayapang kaanak o kaibigan.
Isa rin itong epektibong paraan upang ihayag ang pag-asa ng mas maayos na kalagayan ng yumao sa kabilang buhay.
Ang kandila rin ay sumisimbolo rin sa pagbibigay ng gabay sa namapayapa, upang ito ay magkaroon nang mas maayos na paglalakbay patungo sa kapahingahan.
Sa tradisyon naman ng mga Intsik, sila ay gumagamit ng insenso upang gunitain ang naging buhay ng namayapa. Sa kanilang kultura, nakatutulong ang paggamit nito upang bumuo ng espiritwal na koneksyon sa pagitan ng buhay at ng yumao.
Ano pa man ang kulay, sukat, hugis, o dahilan, ang mahalaga’y hindi nalilimutan ang kanilang mga alaala. Sa simpleng pag-alay ng kandila, tiyak magbibigay ito ng kapanatagan sa kanila.
Vincent Gutierrez/BALITA