December 14, 2025

Home FEATURES BALITAkutan

5 akdang Pinoy na swak basahin ngayong Undas

5 akdang Pinoy na swak basahin ngayong Undas
Photo Courtesy: Pexels

Ayon sa 2023 readership survey ng National Book Development Board (NBDB), 25% ng mga batang Pilipino ang nahuhumaling sa pagbabasa ng mga librong “suspense,” “thriller,” “horror,” “vampire.”

At sa nalalapit na pagsapit ng Undas, mahaba-habang bakasyon ang naghihintay. Kung wala pang naiisip kung saan igugugol ang long weekend, mainam gawing pampalipas-oras ang pagbabasa ng mga librong katatakutan para lalong maramdaman ang spooky vibe ng Halloween. 

Kaya narito ang limang akdang Pinoy na maaaring ikonsiderang basahin sakaling wala pang naitatala sa readling list.

1. Kapag Umaatake ang Dilim ni Darwin Medallada

BALITAkutan

ALAMIN: Ang paglaya ni Clarita Villanueva mula sa pagsapi ng mga demonyo

Koleksiyon ng limang maiikling kuwento ang librong “Kapag Umaatake ang Dilim” ni Darwin Medallada.

Matutunghayan dito ang kuwento ng isang anak na pilit itinago ang krimeng nagawa niya sa kaniyang ina. Ayon kay Medallada, isinulat niya ito dahil sa alaala ng kaniyang kabataan na mahirap balikan. 

“Ang isa rin sa naalala ko noong sinusulat ang kuwentong ito ay isang balita kung saan dalawang magkapatid ang kumain sa puso ng kanilang Lola at sinahog sa instant noodles,” lahad niya sa isang Facebook post.

Samantala, ang isang kuwento naman tungkol sa driver na nakapagtrabaho sa pamilya ng mga politikong puro aswang ay nabuo dahil sa pagkabanas ni Medallada kay dating Pangulong Rodrigo Duterte at sa campaign jingle ng isang kandidatong nagbubudots.

Bukod pa sa mga ito, ipinakilala rin niya sa kaniyang libro ang bampirang pumapatay ng mga babae, mambabarang na naghasik ng lagim matapos pagmalupitan, at ang lihim sa likod ng sunud-sunod na pagbagsak ng mga kidlat.

2. Bayan ng mga Bangkay ni Chuckberry Pascual

Naglalaman ng maiikling kuwentong horror ang “Bayan ng mga Bangkay” ni Chuckberry Pascual sa panahon ng extrajudicial killings (EJK) at pandemya.

Ayon sa panayam ng DZUP noong 2022, sinabi ni Pascual na horror ang pinaka-angkop na genre para ikuwento ang laganap na karahasan at patayan sa Pilipinas.

"Malaking impluwensiya 'yon [EJK at pandemya] sa akin. Kasi hindi naman talaga ako nag-iisip dati tungkol sa pagsulat ng tungkol sa kamatayan at sa karahasan," saad niya.

Sa librong ito ni Pascual, sinubukan niyang ibalik ang nawalang tino ng bayan sa pamamagitan ng pananakot na ang “Bayan ng mga Bangkay” ay kapirasong reyalidad na nag-aanyong katha.

3. Tatlong Gabi, Tatlong Araw ni Eros Atalia

Ang “Tatlong Gabi, Tatlong Araw” ni Eros Atalia—na nanalo ng grand prize sa kategoryang nobela sa prestihiyosong Carlos Palanca Memorial Award noong 2013—ay maituturing na climate horror. 

Iikot ang kuwento ng nobela sa mamamahayag na si Mong nang bumalik siya sa kapistahan ng Barangay Magapok sa lalawigan ng Sta. Barbara de Bendita na nakatakdang tamaan ng super typhoon.

Ginagalugad rito ang takot na dulot ng kalikasan. Pero hindi lang takot ang inilalako ni Atalia sa mga mambabasa ng “Tatlong Gabi, Tatlong Araw.” 

Dahil ayon mismo sa introduksiyon ni Chuckberry Pascual sa nobela, hindi lang basta simpleng pagbakwet mula sa siyudad ang ginawa ni Atalia bilang nobelista, iniangat din nito ang diskurso ng sarili nitong panulat.

Bago pa man kasi mailunsad ang “Tatlong Gabi, Tatlong Araw,” naunang makilala si Atalia sa mga kuwela at pilyo niyang akda tulad ng “Ligo Na U, Lapit Na Me” at “Peksman, Mamatay Man Nagsisinungaling Ako.”

Kaya sabi ni Pascual, “Ito yata ang kaniyang unang nobela tungkol sa bayan.”

4. Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan

Malikhaing ikinuwento ni Bob Ong sa “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” ang mga kababalaghan sa anyo ng diary o talaarawan. 

Bagama’t hindi na bago ang ganitong estilo ng paglalahad sa nobela dahil nauna na itong ginawa nina Stephen Chomsky sa “Perks of Being a Wallflower” at Beverly Cleary sa “Dear Mr. Henshaw,” nagmumukha pa rin itong bago dahil nasa genre ng horror ang “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” at karanasan ng isang Pilipino ang itinatampok dito. 

Nakasentro ang kuwento ng nobelang ito ni Bob Ong sa ordinaryong buhay ng estudyanteng si Galo sa Maynila. 

Ngunit magbabago ang lahat matapos niyang bumalik sa probinsiya ng Tarmanes upang alagaan ang kaniyang Lola Susan na may malubha nang karamdaman.

Samantala, inanunsiyo ng Black Sheep noong Pebrero 2020 ang pagsasapelikula sa “Ang Mga Kaibigan ni Mama Susan” sa direksyon ni Chito S. Rono na pagbibidahan naman ni Joshua Garcia. 

Ganap itong naisapelikula noong 2023.

5. Maligayang Pagdating Sa Sitio Catacutan: Mga Kuwentong Kasisindakan ni Tony Perez

Ipinamalas ni Tony Perez sa “Maligayang Pagdating sa Sitio Catacutan” ang kasanayan niya sa paglalahad ng kuwentong horror. 

Nilalaman ng libro ang tungkol sa tricycle driver na matagal na palang patay, ang paupahang kuwarto na tinitirhan ng mga alaala, ang antique shop na mabibilhan ng mga engkantadonng bagay, ang babae at lalaking parehong sinapian gayundin ang lihim sa likod ng mahiwagang aquarium.

Bagama’t anim na maiikling kuwento lang ang nilalaman nito, tiniyak naman ni Perez na hindi kapos sa kalidad ang kaniyang panulat. 

At kung sakali mang mabitin talaga ang mambabasa, puwede namang isunod na ang “Malagim Ang Gabi Sa Sitio Catacutan.”

Maligayang pagbabasa, ka-Balita!