Naglabas ng paglilinaw ang Office of the Ombudsman hinggil sa usapin ng kalusugan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Sa pahayag ng Office of the Ombudsman nitong Lunes Oktubre 27 2025, nilinaw nilang cancer free na raw si Remulla at nasa mabuting kalusugan na.
"Ang Ombudsman ay nasa mabuting kalusugan at patuloy na ginagampanan ang kaniyang tungkulin nang buong sigla at dedikasyon. Ang Ombudsman ay malaya na sa kanser at malaya na sa loob ng isa't kalahating taon," anang Office of the Ombudsman.
Saad pa nito, ang kamakailang mga pahayag patungkol sa kalusugan ni Remulla ay pawang naka-past tense daw na nangyari pa bago siya maupo bilang Ombudsman.
"Ang kaniyang kamakailang pahayag tungkol sa kaniyang kalusugan ay nasa past tense dahil tumutukoy ito sa kaniyang karanasan bago pa siya maupo nilang Ombudsman" anila.
Matatandaang noong Linggo, Oktubre 26 nang kumalat ang mga ulat patungkol sa pakikibaka umano ni Remulla sa sakit sa puso at kalaunan ay nauwi sa leukemia.
Ayon kay Remulla, noong 2023 ay natuklasan ng mga doktor na may sakit siya sa puso at kinailangan niyang sumailalim sa open heart bypass surgery.
Matapos na maging matagumpay ang operasyon at habang siya’y nagpapagaling, na-diagnose naman siya ng pagkakaroon ng cancer of the blood o leukemia.
Ibinahagi rin ni Remulla na siya ay sumailalim sa gamutan sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC). Dumaan siya sa dalawang cycle ng chemotherapy, total body irradiation, at bone marrow transplant bilang bahagi ng kaniyang gamutan.
KAUGNAY NA BALITA: 'Ang dugo ko ngayon, galing sa aking anak!' Ombudsman Boying, binunyag na nagka-leukemia siya
Siniguro din ng Office of the Ombudsman na determinado pa raw si Remulla na ituloy ang kaniyang tungkuling may mapanagot sa mga sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Saad ng Office of the Ombudsman "Tinitiyak namin sa publiko na determinado ang Ombudsman na papanagutin ang mga responsable sa isyung ito ng flood control-at higit pa siyang nasa mabuting kalagayan upang gawin iyon."