Nilinaw na ng Palasyo ang dahilan kung bakit hindi umano hindi nakasama si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa photo opportunity ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) leaders na isinagawa sa 28th ASEAN - Japan Summit sa Kuala, Lumpur sa Malaysia.
Ayon sa isinagawang press briefing ng Presidential Communication Office (PCO) sa Kuala Lumpur nitong Lunes, Oktubre 27, sinabi ni Palace Press Officer Under Secretary Atty. Claire Castro na hindi raw nabigyan ng “tamang kuwento” ang nangyari sa usap-usapang larawan.
“Mukhang hindi nabibigyan ng tamang kuwento, konteksto ‘yong nangyari,” pagsisimula ni Castro.
Pagpapatuloy pa ni Castro, sinabi rin sa kaniya ni PCO Sec. Dave Gomez na nasa extended bilateral meeting pa si PBBM sa United Nation (UN) nang maganap ang photo opportunity sa ASEAN - Japan Summit.
“Sinabi din po ni Sec. Dave Gomez na nangyari po ‘yan [‘yong kanilang photo opportunity] ay nasa extended bilateral pa po ang Pangulo with the UN [United Nation],” paglilinaw ni Castro.
“Pero naka-attend po ang Pangulo sa nasabing okasyon na kasama po ang bansang Japan,” pahabol pa niya.
Matatandaang tila naging usap-usapan sa netizens ang hindi pagsama ni PBBM sa litrato kasama ang mga pinuno sa ASEAN sa ginanap na 28th ASEAN - Japan Summit sa Kuala, Lumpur sa Malaysia.
MAKI-BALITA: 'Nasaan ang Pangulo?' Netizens, inurirat pagkawala ni PBBM sa litrato kasama mga ASEAN Leader
Makikita sa mga larawang ibinahagi ng ASEAN sa kanilang Facebook page noong Linggo Oktubre 26, ang ASEAN leaders na kasama ang pinaka-unang babaeng Prime Minister ng Japan na si Sanae Takaichi.
Pumukaw naman sa atensyon ng netizens ang nasabing larawan nang hindi nila makita ang Pangulo at Inurirat nila ang pangyayaring ito.
Mc Vincent Mirabuna/Balita