Isang puganteng matagal nang pinaghahanap dahil sa pagpatay sa isang pulis at iba pang mararahas na krimen ang nadakip sa Nueva Ecija at siyang nagwakas sa halos dalawang dekadang manhunt operation , ayon sa kumpirmasyon ng Police Regional Office 3 (PRO3) nitong Lunes Oktubrte 27, 2025.
Kinilala ang suspek bilang si alyas “Pandong/Ed,” 57 anyos, dating kasapi ng gun-for-hire syndicate na Atacador Group. Siya ay naaresto noong Oktubre 26 sa Barangay Mapalad, Sta. Rosa, sa isang pinagsamang operasyon na pinamunuan ng Regional Intelligence Division ng PRO3.
Ang pagkakaaresto ay resulta ng koordinadong operasyon ng Sta. Rosa Police, Nueva Ecija Provincial Police, at mga taktikal na yunit ng Regional Mobile Force Battalion. Bahagi ito ng programa ng PNP na Enhanced Managing Police Operations (EMPO), na layuning tugisin ang mga high-risk fugitives gamit ang intelligence-driven missions.
Ayon sa mga awtoridad, si “Pandong/Ed” ay isa sa mga pangunahing kasapi ng Atacador Group, isang sindikatong sangkot sa mga pamamaslang at pagnanakaw sa mga lalawigan ng Nueva Ecija, Aurora, Cavite, at Nueva Vizcaya noong dekada ’90 hanggang unang bahagi ng 2000s.
Nahaharap ang suspek sa tatlong kaso: two counts of murder (non-bailable) at one count of frustrated murder (may piyansang ₱100,000).
Inakusahan siya sa pagpatay kay PO1 Ronald Diamat at sa pananakit kay SPO2 Samuel Bulan noong 2000 sa Sta. Rosa, sa ikinasa ring operasyon laban sa kaniya. Kabilang din siya sa mga itinuturong responsable sa pagpaslang sa isang security guard sa Cabanatuan City noong dekada ’90, na lalo pang nagpatingkad sa kaniyang masamang reputasyon.