Sinagot ng Malacanang ang isang “open letter” na isinumite ng ilang business at labor groups na nananawagan ng mas matibay at mas mabilis na imbestigasyon hinggil sa umano’y malawakang korapsyon na lumalaganap sa bansa.
Inilahad ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro ang sagot ng pamahalaan hinggil sa nasabing liham, sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Lunes, Oktubre 27, sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“Ito po, mas maganda po talaga na ma-explain po natin kasi po kapag ka po iba ang nadidinig nila, ibang mga naratibo, maaari talaga silang magkaroon ng hindi tamang pag-unawa sa nangyayari sa kasalukuyan,” ani Usec. Castro.
“Kung nagkaroon po ng SONA, that’s July…August, September, October, tandaan na po natin: Marami na po ang nangyari. Nandiyan na po ‘yong mga freezing of assets na in-order ng AMLA. Nandiyan na rin po ang pagsasampa ng kaso, at nandiyan na rin po ang sinasabi nating immigration lookout bulletin orders na ibinigay,” dagdag pa niya.
Nilinaw rin ng press officer kung bakit hanggang ngayon ay wala pa rin umanong hold departure.
“Bakit wala pang hold departure order? Unang-una po, ang hold departure order, ang mag-iisyu po niyan ay korte. So dapat malaman po nila, na lahat po ng ginagawa ngayon ng administrasyon at ng mga law enforcement agencies ay naaayon sa batas,” anang press officer.
“Hindi po natin basta-basta maaaring tawagin o sabihin na isang ay hindi ka puwedeng magbiyahe. ‘Yan po naman ay lalabag sa batas. Dahil lahat din naman po tayo ay may freedom of movement. ‘Yan po ay isang constitutional right. So ang ibig sabihin, kapag ka naman nagpalabas na po ang Korte ng warrant of arrest, ito po ay maaaring hilingin sa korte na mag-isyu na po ng hold departure order,” dagdag pa nito.
“So sa mga naiinip, ang pamahalaan po ay nasa tamang pagkilos, na naaayon sa batas. Nagmamadali, yes, minamadali lahat, pero hindi natin mamamadali ang lahat pero ma[kaka]-violate tayo ng batas at ng human rights. So hintayin po natin dahil may naisampa na po[ng kaso],” saad pa ni Usec. Castro.
Nanindigan din ang Palasyo na ang ginagawa ng pamahalaan ay may katugunan sa due process.
Umaasa rin silang maiintindihan at mauunawaan ito ng mga umano’y bumabatikos sa ginagawang hakbang ng pamahalaan.
Vincent Gutierrez/BALITA