Matapos isumite ni dating National Bureau of Investigation (NBI) Director Jaime Santiago ang kaniyang “irrevocable resignation,” kinumpirma niya sa ginanap na flag ceremony ng NBI nitong Lunes, Oktubre 27, na pormal na itong tinanggap ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
“Today, I want to inform you that the President finally accepted my irrevocable resignation. So within the day or these day to come, lalabas na ang order, magkakaroon na kayo ng panibagong leader[...] But definitely, ang order will come out within the day, tomorrow, or basta within the week,” ani Santiago.
KAUGNAY NA BALITA: NBI director Jaime Santiago, kinumpirma pagtanggap ng Palasyo sa kaniyang irrevocable resignation-Balita
Kasabay nito ang pagbubukas ng pinto sa bagong officer-in-charge ng NBI, na siya namang kinumpirma ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro nito ring Lunes, Oktubre 27, sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) sa Kuala Lumpur, Malaysia.
“It’s confirmed, confirmed po. Confirmed po na in-accept na po ang resignation ni dating NBI Director Jaime Santiago, at ang OIC po ngayon na itinalaga ay si Sir Lito Magno,” pagkumpirma ni Usec. Castro.
Sino nga ba si Angelito “Lito” Magno?
Ang noo'y NBI Assistant Director na si Angelito ”Lito” Magno ay isang beteranong ahente at abogado, na nanilbihan din sa NBI, bago pa ang kaniyang promosyon.
Bago italaga ni PBBM, siya ay nanungkulan muna bilang Deputy Director for Investigative Services ng nasabing ahensya. Kilala si Magno sa kaniyang pagiging dalubhasa sa imbestigasyon at batas.
Siya rin ay nanungkulan bilang regional director ng NBI Ilocos Region hanggang 2021, at head ng Information and Communications Technology Service (ICTS) ng naturang institusyon.
Malaki ang naging gampanin ni Director Magno sa NBI, lalo na nang siya ay naging parte ng imbestigasyon hinggil sa kaso ni dating dismissed Bamban, City Tarlac Mayor Alice Guo.
Vincent Gutierrez/BALITA