December 14, 2025

Home FEATURES BALITAkutan

#BalitaExclusives: Paano nga ba maging paranormal investigator?

#BalitaExclusives: Paano nga ba maging paranormal investigator?
Photo Courtesy: Pexels

Alam natin kung kanino lalapit kapag may krimeng nangyari o kapag nilabag ng ibang tao ang karapatan natin. Malinaw rin sa atin kung sinong eksperto ang kukonsultahin kapag may sakit na nararamdaman. 

Pero paano kung ang sangkot na entidad ay ang mga nararamdaman ngunit hindi nakikita ng mata? Paano kung lampas na sa itinuturing na karaniwan ang penomenong nararanasan?

Dito na papasok ang trabaho ng mga paranormal investigator, na ang papel sa lipunan ay ipaliwanag at tuklasin ang katotohanan sa likod ng mga hindi mawaring pangyayari. 

Ngunit ano-ano nga ba ang mga kinakailangan para maging isang paranormal investigator? Mayroon din ba silang pagsusulit na kailangan kunin tulad ng mga doktor, pulis, at abogado? O kung anong kurso ba ang dapat piliin kapag gustong pasukin ang ganitong propesyon? 

BALITAkutan

ALAMIN: Ang paglaya ni Clarita Villanueva mula sa pagsapi ng mga demonyo

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Theophilus—founder ng grupong Paranormal Philippines—sinabi niyang wala namang mahigpit na kwalipikasyon para maituring ng isang tao ang sarili bilang isang paranormal investigator, lalo na raw sa Pilipinas na wala namang paaralang nagtuturo nito hindi gaya sa Amerika o United Kingdom.

“Dito sa Pilipinas, dahil wala naman tayong diploma diyan, wala tayong school para diyan, malaya lahat maging paranormal investigator,” saad ni Theophilus.

Dagdag pa niya, “Ang requirement mo lang naman, siyempre kailangan may knowledge ka about the paranormal. Kasi kung wala kang alam tapos sumabak ka agad na paranormal investigator, hindi pa paranormal investigator ang tawag do’n [kundi] ghost hunter.”

Kaya naman isinusulong ni Theophilus ang halaga ng pagbabasa ng mga libro upang maisalehitimo ang pagiging private investigator. 

“Hindi natin ire-recommend na ‘yong knowledge mo is nasa surface lang; nando’n lang sa internet, ginoogle mo lang,” aniya. “Ako, personally, nag-aral talaga ako. May mga books talaga akong binasa. And mayro’n akong mga mentors. And ‘yong mga mentors kong ‘yon…mayro’n din silang mga books na sinulat.” 

Tatlo sa mga manunulat na binanggit ni Theophilus ay sina Jaime Licauco, Ruel Ruiz, at Sharron Navera.

Ayon kasi sa kaniya, ginagawa rin daw nilang mga paranormal investigator ang mga ginagawa ng mga ghost hunter. Ang pinagkaiba lang, may kakayahan silang tukuyin ang sagot sa likod ng mga paranormal nilang karanasan. 

“Hindi lang kami parang nagpupunta sa isang lugar na para lang may thrill or matakot lang kami pero hindi naman ‘yon nahanapan ng sagot. Kami ‘yong mas professional na grupo ng ghost hunter,” paliwanag niya.

Pero hindi raw kinakailangang may extrasensory perception (ESP) o third eye ang isang paranormal investigator.

“Sa isang paranormal team, iba’t iba tayo ng expertise,” ani Theophilus. “So halimbawa, knowledge mo is photographer ka; magaling ka sa pagte-take ng pictures. So magagamit natin ‘yan. Kung halimbawa, hindi bukas ang third eye mo [pero] psychologist ka, malaking bagay ‘yon kasi maiintindihan natin ‘yong mental capacity ng isang tao.”

Bukod dito, iginiit din ni Theophilus ang pagkakaroon ng puso sa pagtulong kung papasukin ang paranormal investigation. 

Aniya, “Kailangan may puso ka rin sa kapuwa na tumulong. Kasi ‘yon ‘yong isa sa mga requirement, e. Hindi mo lang siya ginagawang hobby lang. Tapang, pasensiya, tapos paniniwala. Kailangan believer ka rin. Or nasa in between ka.”

Magtatawas, albularyo, espiritista, paranormal investigator, anong pinag-iba?

Kung iisipin, parang hindi naman nagkakalayo ang ginagawa ng mga paranormal investigator, magtatawas, albularyo, at espiritista. Pare-parehong saklaw ng kanilang trabaho ang mga ekstraordinaryong pangyayari at nilalang.

Pero paglilinaw ni Theophilus, “‘Yong mga albularyo at magtatawas kasi, espiritwal sila. Nanggagamot sila. Saka ‘yong estilo nila, mas malaking porsiyento ‘yong espiritwalidad, ‘yong paranormal. Sabihin na lang natin, 99% ng method nila naka-rely sa belief, naka-rely sa faith, sa paranormal spirituality.” 

Samantala, bagama’t may ilan na rin namang abanteng albularyo, magtatawas, at espiritista sa kasalukuyan, mas holistiko raw ang paraan ng mga paranormal investigator. Bukas sila sa iba’t ibang posibilidad; hindi nakakulong sa mga tradisyonal na kaalaman. Sa katunayan, ang Paranormal Philippines ay binubuo ng mga miyembrong mula sa iba’t ibang larangan.

“Halo-halo ‘yong knowledge namin,” sabi ni Theophilus. “Spiritual, scientific, kung ano ‘yong available na knowledge about paranormal. Although mayroon din kaming knowledge about spiritual, individually, iba-iba ‘yong knowledge namin. So, ‘yong general idea ng paranormal investigation, hindi siya puwedeng i-connect sa albularyo or faith healers. Pero ang isang paranormal investigator [ay] puwedeng isang albularyo.”

Para sa kabataang nagnanais maging paranormal investigator

Gaya ng ibang propesyon, may mga dapat ding isaalang-alang ang sinomang nangangarap maging bahagi ng isang paranormal team, lalo pa’t batay mismo sa kuwento ni Theophilus, “pinakanakakatakot ‘yong unang experience mo na makakakita ka nang tuloy-tuloy.”

Kaya isa sa mga payong binanggit niya ay magdalawang-isip. Tiyakin muna sa sarili kung gusto ba talagang pasukin ang mundo ng paranormal investigation. 

“Kailangan hindi lang physically ready, kailangan mentally ready ka rin at spiritually ready. Kailangan talagang handang-handa ka. [...] Kailangan may magtuturo sa ‘yo [at] tama ang grupong papasukan mo. Kung individual ka naman, kailangan may proper knowledge ka,” ani Theophilus.