Hindi nagtatapos sa paglalamay ang malawak na paniniwala at tradisyon ng mga Pilipino patungkol sa namayapang mga mahal sa buhay.
Dahil bukod sa pag-alala at pagdarasal, tila, nagpapatuloy ang malawak na koneksyon ng mga patay sa mundo ng mga buhay—sa pamamagitan ng mga pagkain at iba pang tradisyon.
Ang malagkit na pagsasamang dulot ng mga kakanin
Bago sumapit ang Nobyembre 1 at 2, kalimitang inihahanda ng mga Pinoy ang mga kakanin o malalagkit na pagkain katulad ng suman kalamay, sapin-sapin, biko at iba pa.
Paniwala kasi ng ilan, kung ihahanda ang mga ito sa araw ng mga patay, ay mananatili silang konektado bagama’t tuluyan nang lumisan sa mundo.
Ang mainit na kape para sa pagbisita ng mga kaluluwa
Paniniwala pa ng ilang mga Pilipino, hindi raw dapat mawala ang mainit na kape tuwing araw ng mga patay, partikular na kung ang yumao ay matanda na. Ito raw kasi ang tila alay upang muli silang dumalaw at humigop ng kanilang kape.
Mga matatamis na pagkain para sa masayang pag-alala
Bukod sa mga kakanin, hindi rin mawawala sa hapagkainan ng mga Pinoy tuwing araw ng mga patay, ang matatamis na pagkain.
Ayon sa ilan, sinisimbolo raw ng mga pagkaing matatamis ang masasayang ala-ala ng mga yumao nang sa ganon ay hindi lamang daw pagluluksa at hinagpis ang maaaring sariwain sa kanila.
Pag-aalay ng bulak, barya, bigas at asukal sa puntod
Maliban sa kandila at mga bulaklak may mga Pilipino pa ring nag-aalay ng mga baso na puno ng bulak, asukal bigas at barya sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay.
Ayon sa paniniwala ng ilan, ang pag-aalay ng bulak ay sumisimbolo sa upang maging mapayapa at magaan na lamang ang paglalakbay ng mga kaluluwa patawid sa kabilang-buhay.
Pamasahe o “pang-kabig” naman ang sinisombolo ng mga baryang inilalagay sa mga puntod. Ito ay hango sa mga lumang paniniwalang Asyano (at sa mitolohiyang Griyego rin) na kailangang magbayad ang kaluluwa upang makatawid sa “ilog” patungo sa mundo ng mga patay.
Ang pag-aalay ng bigas—iniaalay ito bilang tanda ng patuloy na kabuhayan ng mga naiwan, at bilang alay ng “pagkain” para sa mga kaluluwa.
Habang ang asukal naman ay sumasagisag ng tamis ng buhay at magandang alaala ng mga namayapa. Pinaniniwalaan din na ito ay pang-akit ng positibong enerhiya at mabubuting espiritu, upang mapanatiling payapa ang tahanan at puntod.
Ikaw ka-Balita anong tradisyon o pagkain ang patuloy niyong bitbit tuwing araw ng mga patay?