January 05, 2026

Home FEATURES

ALAMIN: Ano ang kaugnayan ng paniki sa katatakutan at Halloween?

ALAMIN: Ano ang kaugnayan ng paniki sa katatakutan at Halloween?
Photo courtesy: Pexels


Malimit na iniuugnay ang mga paniki sa “Halloween” at katatakutan, dahil sa kulay nito at mga paniniwalang nakalakip sa hayop na ito.

Ngunit kung iisipin, hati ang opinyon ng mga tao hinggil dito, sapagkat mayroon talagang mga naniniwalang dapat katakutan ang mga paniki, dahil sa angking bangis nito.

Mayroon din namang naniniwalala na hindi dapat sila matakot sa mga hayop na ito, sapagkat ang mga paniniwala umano patungkol sa kanila ay kuwento o haka-haka lamang.

Ano nga ba ang mga paniki?

Ang mga paniki ay maituturing na “mammals,” sapagkat ang mga ito ay “warm-blooded animals.” Kakaibang mammals ang mga paniki sapagkat sila ay may kakayahang lumipad na parang ibon, hindi tulad ng iba.

Ayon sa Philippine Cultural Education, mahalaga ang gampanin ng mga paniki sa pagbabalanse ng “ecosystem,” sapagkat ang mga hayop na ito ay ipinapanatili ang bilang ng mga insekto sa kapaligiran.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?



Karamihan sa mga paniki ay kumakain ng mga insekto, na siyang madalas sumira ng mga pananim at halaman. Dahil sa mga paniki, naiiwasan ang malawakang pagkasira ng mga ito.

Ayon pa sa isang source, ang mga paniki ay tumutulong din sa pagpapakalat ng buto ng mga halaman, at sa pagpo-pollinate ng mga bulaklak.

Koneksyon ng mga paniki sa “Halloween”

- Kasaysayan

Tila simbolo na ng “Halloween” ang mga paniki, dahil sa “historical context” umano nito.

Ayon sa isang pag-aaral, ang koneksyon ng paniki sa “Halloween” ay nagsimula sa pagsapit ng “ancient Celtic festival of Samhain,” na siyang sumasakto rin sa modernong petsa ng Halloween.

Tuwing sasapit daw ang panahong ito, nakakatawid sa mundo ng mga buhay ang mga espiritu at kaluluwa ng mga namayapa pa.

Bilang pagtaboy sa mga ito, nagsisindi at bumubuo ng malalaking apoy ang mga tao, na nagiging dahilan ng mga insekto para putaktihin ang lugar. Kapag ito ay naramdaman ng mga paniki, sila ay tutungo sa naturang lugar, at uubusin naman ang mga insekto.

Dahil sumasabay noon sa nasabing pista ang pagbisita ng mga paniki, naging simbolo na ng kaganapan ang hayop na ito, na siyang makikita pa rin sa modernong panahon ngayon.

- Kultura at Paniniwala

Ang mga paniki ay “nocturnal animals,” o mga hayop na gising sa gabi at tulog sa araw.

Dahil sa kanilang nature, naiuugnay ang mga hayop na ito sa “supernatural” at “eerie contexts.”

Ang mga paniki rin ay naiuugnay sa mga bampira, dahil sa abilidad umano ng mga ito na sumipsip ng dugo, na kayang-kayang gawin ng mga paniki.

Dapat bang katakutan ang mga paniki?

Mahalagang gampanin ang iniaalay ng paniki sa mundo, kung kaya’t hindi sila dapat katakutan.

Ngunit tulad ng ibang mga hayop, hindi magiging agresibo ang mga paniki kung pakiramdam nila na sila ay ligtas sa presensya ng tao sa paligid.

Kung hindi mabubulabog ang kanilang tirahan, tiyak hindi aatake ang mga ito.

Dapat na matakot ang isang tao sa magiging aksyon ng hayop na ito kung intensyonal niyang ginulo ang isang paniki sa pinaglulunggaan nito.

Sa konteksto naman ng mga paniniwala, ang bawat tao ay may kalayaang katakutan ang kahit anong hayop, kahit paniki pa ‘yan. Ngunit nararapat na maunawaan na ang mga paniki ay may gampanin din sa mundo, at mahalaga din ang kanilang presensya.

Ngayong Bat Appreciation Week at sa papalapit na Halloween, bigyang-halaga ang presensya ng mga paniki sa ating kapaligiran.

Vincent Gutierrez/BALITA