Nananatili pa ring buo ang ₱625.78 prosed 2026 budget ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kasunod ng pag-apruba dito ng Senate finance committee.
Noong nakaraang linggo, nauna nang kinuwestiyon ng Senado ang tinatayang 948 proyekto ng DPWH na popondohan pa umano para sa 2026 ngunit for completion na raw dapat ngayong 2025.
Sa pagdinig ng Senado nitong Lunes, Oktubre 27 2025, dumipensa si DPWH Sec. Vince Dizon hinggil sa nasabing mga proyekto na nagkakahalaga ng halos ₱14 bilyon sa kanilang proposed budget.
Ayon kay Dizon, 798 umano mula sa naturang mga proyekto ay kumpirmadong ongoing pa rin hanggang ngayon.
"Sa 798, wala. Doon sa 148, hindi ko pa po masasabi," ani Dizon.
Patuloy daw ang kanilang pagva-validate sa 148 proyekto na nakalista sa kanila na nagkakahalaga ng ₱2.8 bilyon.
Bunsod nito binigyan naman ng Senado si Dizon ng hanggang Biyernes, Oktubre 31 upang maisumite ang mga kaukulang dokumento.
"Kung hindi mavalidate, ma-justify, at mabigyan ng detalye yung mga line item [If the line items can’t be validated, justified, and be detailed], please, we give the committee the liberty to remove those projects from the list of projects in the DPWH 2026 budget," anang DPWH Secretary.
Matatandanag nauna nang iginiit noon ni Sen. WIn Gatchalian na nangangambang matapyasan ng ₱340 bilyon ang proposed budget ng DPWH kung hindi mapapaliwanag ni Dizon ang nasabing "red flags" na bilang ng mga proyekto.