Bumuwelta ang personal assistant ng Kapuso star na si Heart Evangelista laban kay Unkabogable Star Vice Ganda matapos ang kontrobersiyal na pahayag ng huli patungkol sa isang gusali ng paaralan sa probinsya ng misis ni dating Senate President Chiz Escudero, na sinambit niya sa "Laro Laro Pick" segment ng noontime show na "It's Showtime."
Noong Biyernes, Oktubre 24, binalikan ng TV host-comedian ang naging karanasan niya sa pagpunta sa lugar ni Heart.
"May pinuntahan akong lugar do’n sa probinsiya nina Heart Evangelista, na isang paaralan na walang reading materials. Pinagawa ko ‘yong eskwelahan,” saad ni Vice.
Dagdag pa niya, “Nagpadala ako ng tulong do’n kasi walang reading materials. Bulok ‘yong paaralan do’n sa lugar nina Heart Evangelista. I cried so much when I saw that school.”
Kaya nanawagan ang Unkabogable Star na ayusin ang mga paaralan upang matulungan ang mga magulang na mapag-aral ang kanilang mga anak.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Bulok ‘yong paaralan:’ Vice Ganda, nagbigay ng tulong sa probinsiya ni Heart Evangelista
Tila hindi naman nagustuhan ni Resty Rosell, personal assistant ni Herat, ang naging pagbanggit ni Vice Ganda sa aktres-socialite.
Naka-tag pa ang Instagram account ng TV host sa sunod-sunod na pagpapaulan ng sentimyento ni Rosell laban sa kaniya.
“Vice, sa DepEd po kayo manawagan kasi meron budget ang DepEd para sa mga school buildings and reading materials na sinasabi mo. Ano ang intention mo to mention heart’s name? para ano??mema? memasabi ka lang? KALOKAAAA!!!” aniya.
"Nag-ambag ka lang pero kung makapagyabang ka parang ikaw yung nagpatayo ng buong building!”
Ibinahagi rin ni Rosell sa Instagram stories ang iba pang hanash ng fans at supporters ni Heart laban kay Vice Ganda.
"Hindi ka nagpagawa ng paaralan/classroom. Nag AMBAG ka lang sa isang ongoing project ng PTA ng Bagacay Elem. School. 40% ay galing sa PTA at 60% naman ay galing sayo @praybeytbenjamin," mababasa pa sa isa sa mga pagsita ni Rosell kay Meme.
Photo courtesy: Screenshot from Resty Rosell/IG
Aniya pa, "Under construction na yung eskwelahan nung pumunta ka. Kaya kung makikita ng tao sa VLOG mong monetized, mukhang hindi pa kumpleto ang hitsura. Ikaw ang nagsabi na gusto mong mag-AMBAG!"
Photo courtesy: Screenshot from Resty Rosell/IG
"Inako mo lahat ng credit, na-echapwera ang PTA na nagbayad rin naman doon sa pagpapagawa ng classroom. Tapos nilagay mo pa sa channel mo, at monetized! Sikat ka na, kumita ka pa!"
Photo courtesy: Screenshot from Resty Rosell/IG
Ibinahagi pa ni Rosell ang iba pang reaksiyon at komento ng mga netizen patungkol kay Vice Ganda.
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo mismo ni Heart o ni Vice Ganda hinggil sa isyu.