December 15, 2025

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

Pasabog ni Jona: 'Noong bata ako, naging biktima ako ng molestya from my father!'

Pasabog ni Jona: 'Noong bata ako, naging biktima ako ng molestya from my father!'
Photo courtesy: Screenshot from Toni Talks (YT)

Sumalang ang tinaguriang Fearless Diva at Kapamilya singer na si Jona sa programang “Toni Talks” ng Ultimate Multimedia Star na si Toni Gonzaga nitong Linggo, Oktubre 26. Sa unang pagkakataon, buong tapang na ibinahagi ni Jona ang ilang bahagi ng kaniyang kabataan—mga sikreto at sakit na matagal niyang itinago.

Ayon kay Jona, masaya raw ang simula ng kaniyang childhood. Buo ang pamilya nila at napapaligiran siya ng pagmamahal. Tatlong taong gulang pa lamang daw siya ay pinapakanta na siya ng kaniyang mga magulang sa simbahan nila sa Marikina—ito na ang naging unang “training ground” niya sa pagkanta. Pagdating ng pitong taong gulang, sumasabak na siya sa mga singing competition, at laging nandoon ang suporta ng kaniyang mga magulang—lalo na ng kaniyang ina na siya mismo ang nagtuturo sa kaniya.

Ngunit sa paglipas ng panahon, nagbago ang lahat. Sa tanong ni Toni kung kailan nagsimulang hindi na maging masaya ang kaniyang pagkabata, emosyonal na inamin ni Jona na sampung taong gulang siya nang una niyang marinig ang mga sigawan at ingay ng away ng kaniyang mga magulang.

Ayon sa kaniya, dinig na dinig niya ang kalabugan sa kuwarto, at minsan ay iniisip niyang may pisikalan nang nangyayari.

Tsika at Intriga

Galit na lumayas! Claudine at utol ni Korina, naghiwalay dahil sa kasambahay?

Hanggang sa dumating ang araw na tuluyang umalis sa bahay ang kaniyang ina. Bago ito umalis, pumasok daw muna ito sa silid ni Jona, niyakap siya nang mahigpit, at sinabing “Mahal na mahal ko kayo.” Ipinagbilin din ng ina na siya ang mag-aalaga sa kaniyang mga kapatid.

Habang lumalaki, doon na raw unti-unting naunawaan ni Jona ang tunay na dahilan ng paghihiwalay ng kaniyang mga magulang. Mula noon, unti-unti na rin daw siyang naging introvert, dala-dala pa rin hanggang ngayon ang mga alaala ng pagkabata na dati’y masaya, ngunit unti-unting napalitan ng sakit.

Sa pagpapatuloy ng panayam, dito na ibinunyag ni Jona ang isa sa pinakamasakit na karanasan niya—ang pangmomolestya na naranasan niya noong siya’y bata pa.

Ayon kay Jona, matagal niyang piniling manahimik at kalimutan ang lahat, ngunit ngayon, handa na raw siyang magsalita—hindi lamang para sa sarili, kundi para sa lahat ng kababaihang nakaranas ng parehong trauma.

“Ngayon ko na-realize kung bakit ako tinawag na Fearless Diva. Kasi natutunan kong tumayo at harapin ang mga sakit ng nakaraan. Hindi ko na kailangang itago. Isa itong bahagi ng kung sino ako ngayon.”

“Noong bata ako, at 10 years old, naging biktima rin ako ng molestya… from my father,” maluha-luhang pahayag ng singer.

UMANO'Y PANGMOMOLESTYA KAY JONA

Ayon kay Jona, nangyari ito nang umalis ang nanay nila sa bahay.

Unang beses daw ay pinapasok siya ng tatay nila sa kuwarto, day time, at doon na raw nagsimula ang mga "horrific" na ginawa sa kaniya ng sariling ama.

Nang mga sandaling iyon ay "frozen" lang daw si Jona dahil hindi raw niya alam kung anong nangyayari nang mga sandaling iyon.

"Hindi ko alam kung sisigaw ba ako, o tama ba 'to?" emosyunal na sabi ni Jona. Hindi na nagbigay pa ng mga detalye si Jona kung ano ang mga ginawa sa kaniya ng sariling ama.

Kahit daw nangyari ang molestya, as if daw na tila walang nangyari dahil magkasama pa rin sila sa bahay.

Wala daw siyang pinagsabihan tungkol dito kahit sa mga kapatid niya. Nagpatuloy lang daw sa pagtatrabaho ang tatay nila at siya naman ay nagpatuloy lang din sa pagsali sa singing contests, lalo na sa telebisyon.

"Walang nakakaalam, sa mga kapatid ko, hindi ko talaga sinabi sa kanila kasi hindi ko alam kung paano nila mare-receive, hanggang sa mga ka-close ko na kamag-anak, wala talaga akong pinagsabihan," aniya pa.

Hanggang sa nakilala raw niya ang kasalukuyang talent manager niya na siyang tumayo sa kaniya bilang pangalawang nanay. Sa kaniya raw siya unang nagbukas ng kaniyang mga karanasan patungkol sa ama.

Sumunod, natanong ni Toni kay Jona kung kailan niya na-realize na mali na ang nangyayari at ginagawa sa kaniya ng tatay.

Ayon kay Jona, "late bloomer" daw siya at kinalimutan na lamang ang mga nangyari sa kaniya. Inamin din ni Jona na noong adolescent stage niya ay naghanap siya ng validation sa ibang tao at medyo "naligaw" ng landas.

Ilang beses daw nangyari ang pangmomolestya subalit natigil rin daw ito nang taong iyon.

Kaya naman daw sa palagay ni Jona, nakaapekto sa kaniya sa paghahanap ng relasyon ang nangyari sa kaniya.

Sa pagtatapos ng panayam, hinangaan si Jona ng mga manonood dahil sa kaniyang katapangan, kaya mas nagkaroon daw ng kahulugan ang taguring "Fearless" para sa kaniya.

Sa kabila ng lahat, handa pa rin daw si Jona na patawarin ang kaniyang ama. 

Nakilala si Jona bilang Jonalyn Viray nang manalong kampeon sa singing competition na "Pinoy Pop Superstar" sa GMA Network noong 2004.