January 08, 2026

Home FEATURES

Kilalanin: Si Anna Feliciano at legasiyang iniwan niya sa mundo ng choreography

Kilalanin: Si Anna Feliciano at legasiyang iniwan niya sa mundo ng choreography
Photo Courtesy: April Feliciano (FB)

Nalagasan na naman ang showbiz industry ng isa sa mga batikang personalidad nang mamaalam sa mundo ang choreographer na si Anna Feliciano.

Sa isang Facebook post ng manugang niyang si April Feliciano noong Sabado, Oktubre 25, malungkot niyang ibinalita ang pagpanaw ng kaniyang biyenan.

“With heavy hearts, we are announcing the passing of our beloved Mama Annabelle Feliciano,” saad ni April.

Dagdag pa niya, “Let’s celebrate Mama Anna’s life together as we share stories of how she touched lives on a deeper level.”

ALAMIN: Bar Examination passing rates sa nakalipas na isang dekada

Ibuburol ang mga labi ni Anna sa Loyola Memorial Chapel Commonwealth samantalang nakatakda naman siyang i-cremate sa Martes, Oktubre 28. 

Matatandaang nagsimula ang karera ni Anna noong 1984 bilang isang dancer na miyembro ng Solid Gold Dancers.

Itinatag ito mismo ng dati niyang asawang si Mel Feliciano.

Pero hindi natatapos sa pagsayaw ang buhay niya sa showbiz. Sinubukan din niyang umarte sa mga pelikula at teleserye.

Hanggang sa ang mahaba niyang karanasan bilang dancer ay nagamit niya noong maging resident choreographer siya ng “Magandang Tanghali Bayan”  at “Wowowee,” na kapuwa noontime shows na umere noon sa ABS-CBN.

At tila naging malapit sila ng TV host na si Willie Revillame dahil matapos nitong lumipat sa dalawang istasyon, sumama pa rin si Anna at nagtrabaho bilang choreographer sa parehong programa ni Willie noon sa GMA at TV5.

Kaya naman naghayag ng lungkot si Willie sa pagpanaw ng kaniyang choreographer matapos malaman ang balita. 

“Matagal ko nang choreographer si Anna. Magmula pa sa MTB, ang noontime show namin noon nina Randy Santiago at John Estrada. Mula noon, tuluy-tuloy na,” saad ni Willie sa panayam ng Philippine Entertainment Portal (PEP).

Naulila ni Anna ang nag-iisa niyang anak na si Rupert.