Nakapagtala na ng higit 2,000 kaso ng flu sa Metro Manila ang Philippine Society for Microbiology and Infectious Diseases (PSMID) nitong Oktubre, na 22% mas mataas kumpara sa nagdaang buwan.
Ayon sa Flu Task Force Report ng PSMID noong Sabado, Oktubre 25, 2,028 na ang kabuoang bilang ng influenza sa Metro Manila, at 98% dito ay Influenza A, na nagdudulot ng severe pneumonia lalo na sa mga matatanda at mga mayroon ng existing chronic illnesses.
Ang nasabing flu surveillance reports ay mula sa Makati Medical Center, The Medical City, Chinese General Hospital, the Philippine General Hospital, at St. Luke’s Medical Center–Global City.
Binanggit din ng PSMID na ginamit ang rapid antigen test kits at multiplex PCR assays sa pagsasagawa ng flu testing sa mga nasabing ospital.
Dahil sa nakaaalarmang pagtaas na ito, binanggit ng PSMID ang importansya ng pagsunod sa flu preventive measures habang inaantabayan pa ang karagdagang bilang ng sakit.
“Flu vaccination, regular hand hygiene, proper cough etiquette, and consistent mask use are essential to prevent severe illness and safeguard high-risk groups–including young children, the elderly, pregnant individuals, and those with underlying medical conditions,” abiso ng PSMID sa kanilang report.
Sa kaugnay na balita, inilunsad ng Department of Health (DOH) ang kampanyang “Trangkaso Bye-bye” kamakailan para mabigyan ng tamang edukasyon ang publiko laban sa flu.
Ayon din sa latest surveillance report ng DOH, 6,457 kaso ng Influenza-Like Illness (ILI) ang naitala mula Setyembre 28 hanggang Oktubre 11, na 25% na mas mababa kumpara sa bilang na 8,628 noong taong 2024.
KAUGNAY NA BALITA: ‘Trangkaso Bye-Bye!’ Kampanya laban sa flu, inilunsad ng DOH
Sean Antonio/BALITA