January 05, 2026

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: 'Nakasakay ko siya sa jeep!' Faney, flinex di-inaasahang engkuwentro kay Luisito Espinosa

#BalitaExclusives: 'Nakasakay ko siya sa jeep!' Faney, flinex di-inaasahang engkuwentro kay Luisito Espinosa
Photo courtesy: Janice Tumpang Sanchez (FB)

Anong gagawin mo kung makasabay mo sa loob ng elevator, makatapatan mo sa isang restaurant habang kumakain, o makasakayan mo sa jeep o pampublikong sasakyan ang hinahangaan mong personalidad nang hindi inaasahan?

Ganoon na lamang ang tuwang naramdaman ng gurong si Janice Tumpang Sanchez mula Bulacan nang makasabay niya sa sinakyang pampasaherong jeepney patungong Bulacan ang isa sa mga kilalang pangalan sa larangan ng boksing—si Luisito “Lindol” Espinosa!

Sa kaniyang Facebook post noong Sabado ng hapon, Oktubre 25, ibinahagi ni Janice ang nakatutuwang karanasan na agad namang umani ng atensyon mula sa mga netizen.

"Guess who? Nakasakay ko siya sa jeep mula Tungko pa-Grotto Vista! Dami kong tinanong kanina sa kanya, ahaha!" mababasa sa caption ng post.

Human-Interest

ALAMIN: Gaano katagal bago mapanis mga hinandang pagkain noong holiday?

Hindi raw siya agad makapaniwala nang mapagtanto niyang ang kaharap niya sa loob ng jeep ay mismong dating world boxing champion.

“Sir, kayo po ba si Luisito Espinosa? Ahahaha!” lakas-loob na tanong ni Janice matapos mapatingin sa kaniya nang ilang sandali.

Sagot daw ni Espinosa, “Ako nga. Paano mo ako nakilala?”

Doon na nagsimula ang masayang usapan ng dalawa. Ikinuwento ni Janice na napag-usapan nila ang tungkol sa kasalukuyang buhay at pinagkakaabalahan ng boksingero, karera, at maging ang asawa ni Coach Luisito na kasama niya noon.

Ayon sa guro, isang inspirasyon para sa kaniya ang pagkakataong iyon. Hindi araw-araw ay makakasabay ng sinuman sa pampublikong sasakyan ang isang sports icon na minsan ay nagbigay ng karangalan sa bansa.

Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Janice, aminado siyang isa siyang tagahanga ni Espinosa noon pa man.

Unang beses na raw niyang nakita si Espinosa sa loob ng isang mall na malapit sa simbahan ng Our Lady of Lourdes Grotto Shrine sa Bulacan.

Kaya hindi siya makapaniwalang makikita niya ulit, at sa pagkakataong ito ay makakausap na, sa loob ng isang pampublikong sasakyan.

"Akala ko mali yung tingin ko na siya si Espinosa," paglalahad ni Janice.

"Tapos 2nd time 'yan, nakasakay ko kaya di na ko nakatiis kinausap ko na hahahaha."

Ano na naman ang mga napagkuwentuhan nila ni Espinosa?

"Nagte-training pala siya ng boxing, pati sa mga bata. Doon sa mall na nakita ko siya. Enrol kasi ako dapat pati dalawang anak kong boys, kaso alanganin sched namin, iba sched niya," pagbabahagi ng guro.

Napagkuwentuhan nilang sa panahon ngayon, lalo na sa mga bata, mas bentahe raw kung marunong ng self-defense.

Para kay Janice, isa itong patunay na kahit ang mga tinitingalang personalidad ay nananatiling mapagkumbaba at marunong makihalubilo sa mga ordinaryong mamamayan.

At para sa mga nakabasa ng kaniyang post, isa itong paalala na minsan, ang mga di-inaasahang sandali, tulad ng isang simpleng jeepney ride, ay maaaring maging alaala ng isang lifetime.

SINO NGA BA SI LUISITO ESPINOSA SA LARANGAN NG BOXING?

Isa siyang retiradong propesyonal na boksingero na naging kampeon sa dalawang weight division, matapos masungkit ang World Boxing Association (WBA) bantamweight title mula 1989 hanggang 1991, at ang World Boxing Council (WBC) featherweight title mula 1995 hanggang 1999.

Nakilala siya sa pangalang "Lindol" dahil sa pagpapayanig at pagpapauga niya sa mga nakakalaban niya sa loob ng boxing ring.

Huling lumaban si Espinosa para sa isang world title noong 2000 para sa bakanteng WBC 126lbs. crown, ngunit natalo siya sa pamamagitan ng technical decision laban sa Mexican boxer na si Gutty Espadas Jr. sa ika-11 round.

Sumampa pa ulit sa arena si Lindol noong 2005, kung saan natalo siya sa pamamagitan ng third-round technical knockout (TKO) laban sa dating world champion na si Cristobal Cruz ng Mexico.

May hawak siyang rekord na 47 panalo at 13 talo, kabilang ang 26 knockouts (KOs).

Pinasok din niya ang mundo ng showbiz. Noong 1997, sumabak siya sa pag-arte at napabilang sa pelikulang "Bagsik ng Kamao" kasama ang beteranong aktor na si Edu Manzano.

Noong 2023, naging bahagi pa siya ng action-drama series na "FPJ's Batang Quiapo" na pinagbibidahan ni Coco Martin. Sa nabanggit na serye, gumanap siyang trainor ni "Santino," ang kapatid ni "Tanggol" sa serye na ginampanan ni Ronwaldo Martin.

Kung titingnan ang social media account ng boksingero sa kasalukuyan, siya nga ay aktibo pa rin sa larangan ng boksing, bilang trainor nito sa mga bata, at kahit sa mga adult, at mukhang ineenjoy ang simpleng pamumuhay.