Sa kauna-unahang pagkakataon, ibinahagi ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang kaniyang pinagdaanang mabigat na karamdaman sa isang panayam ni Luchi Cruz-Valdes sa programang “Usapang Real with Luchi.”
Ayon kay Remulla, noong 2023 ay natuklasan ng mga doktor na may sakit siya sa puso at kinailangan niyang sumailalim sa open heart bypass surgery.
Hindi lamang isa kundi limang bypass ang isinagawa sa kaniya upang maayos ang daloy ng dugo sa kaniyang puso.
Matapos na maging matagumpay ang operasyon at habang siya’y nagpapagaling, na-diagnose naman siya ng pagkakaroon ng cancer of the blood o leukemia.
Ibinahagi rin ni Remulla na siya ay sumailalim sa gamutan sa St. Luke’s Medical Center sa Bonifacio Global City (BGC). Dumaan siya sa dalawang cycle ng chemotherapy, total body irradiation, at bone marrow transplant bilang bahagi ng kaniyang gamutan.
"Kaya ang dugo ko ngayon ay hindi na 'yong dati kong dugo," saad ni Remulla.
"Ito ay dugo na galing sa aking anak. Full match kami. Kaya naka-recover ako, at mukhang maganda naman ang prognosis," saad pa niya.
Ibinahagi rin ni Remulla na ang mga sintomas na naramdaman niya noon ay pagkahilo, pagkatamlay, at pagdugo ng ilong.
"Laging nagno-nose bleed, tapos ayaw tumigil," giit pa ng Ombudsman.
Nang tanungin sa kaniya kung naisip ba niyang kukunin na siya ng Panginoon, sinabi ni Remulla na hindi niya inisip ang ganoon.
"I refuse to think of it that way. Kasi ang tingin ko lang, tomorrow is another day. Get through the night. Mapalipas mo lang ang gabi, paggising mo sa umaga, isang araw na naman na ibinigay sa 'yo. Just natural, I just live by the day," aniya pa.
Matatandaang naging usap-usapan ang biglaang pagkawala ng timbang ni Remulla sa mga nagdaang taon.