Sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Sabado, Oktubre 25, 2025, na ang mga kahilingan para sa Statements of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga opisyal ng gobyerno, kabilang si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ay dapat ipagkaloob lamang para sa lehitimong layunin at hindi gamitin para sa pamumulitikang pag-atake.
Paliwanag ni Bersamin sa panayam sa kaniya ng media, kinikilala ng 1987 Constitution na pampublikong dokumento ang SALN, ngunit ang pagkuha nito ay dapat sumunod sa umiiral na mga panuntunan at proseso.
“Doon sa SALN, meron kaming sinusunod na guidelines, dahil kahit sinabi sa constitution na should be public document be accessible to public… you cannot allow discrimination in the freedom to access their SALNs. Take note that SALN contains details that might compromise the security and safety of the public officials concerned. Our existing rules apply that access to SALN should have a good reason,” ani Bersamin.
Muling lumutang ang panawagan para sa SALN ng Pangulo matapos maglabas ng kani-kanilang SALN ang ilang mambabatas, sa gitna ng mga isyu ng korapsyon na may kaugnayan sa mga proyekto sa flood control.
KAUGNAY NA BALITA: Tatlong senador, kumasa na sa SALN reveal
Kaugnay nito, iniimbestigahan ngayon ang mga ari-arian at interes sa negosyo ng ilang opisyal.
Nauna nang inalis ni Ombudsman Boying Remulla ang ilang limitasyon sa pag-access ng SALN na ipinataw ng kanyang sinundan na si Samuel Martires, subalit saklaw lamang nito ang mga opisyal na nasa hurisdiksyon ng Ombudsman. May sariling pagpapasya pa rin ang mga miyembro ng Kongreso kung ilalabas nila ang kanilang SALN.
Binalaan din ni Bersamin ang paggamit ng SALN upang gipitin o isapubliko ang personal na impormasyon ng mga opisyal, at iginiit na ang dokumento ay ginawa upang itaguyod ang transparency at accountability, at hindi para siraan o atakihin ang sinuman.
Dagdag pa niya, may kaparehong pagpapasya rin ang mga miyembro ng Gabinete, na aniya ay may karapatan din sa pribasiya at seguridad.
“We must not forget that cabinet secretaries are entitled to security and privacy. Wala naman problema kung legitimate ang rason, bibigay namin ‘yan. Ganoon lang ang policy. Wala kaming denial of access. But we must control the access,” saad ni Bersamin.