Dead on arrival na nang maisugod sa ospital ang mag-amang sakay ng motorsiklong nabangga ng truck sa South Cotabato.
Ayon sa mga ulat, isang mag-anak ang sakay ng naturang motor kasama ang ina na nananatiling kritikal sa ospital at mag-ama na siyang nasawi.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, pauwi na sana ang mag-anak na may dalang lechon at cake para sa kaarawan ng bunso nilang anak nang mahagip at mabangga sila ng isang truck.
Nawalan umano ng preno ang naturang truck na dumiretso sa direksyon ng nasabing mag-anak.
Samantala, nakahanda naman daw makipag-areglo ang mga kaanak ng biktima matapos nilang ilatag ang kanilang mga kondisyon upang hindi sila magsampa ng reklamo.
Ayon sa mga ulat, hiling ng pamilya ng biktima na sagutin ng kompanyang may ari sa truck ang pagpapagamot sa babaeng biktima at ipalibing nang maayos ang mag-ama nito.
Nanghihingi rin ng kasiguarduhan ang nasabing pamilya na tutustosan ng nasabing kompanya ang gastusin ng tatlo pang anak na naulila ng pumanaw na padre de pamilya. Gayudin ang bagong motor na kanila raw ginagamit sa hanap-buhay.