December 14, 2025

Home BALITA National

‘Doon kayo mag-angas sa mga mandarambong!’ Ilang UP student leaders, kinumpirma subpoena sa kanila ng PNP

‘Doon kayo mag-angas sa mga mandarambong!’ Ilang UP student leaders, kinumpirma subpoena sa kanila ng PNP
Photo courtesy: BALITA FILE PHOTO, Tinig ng Plaridel (FB)

Kinumpirma mismo ng isang lider estudyante sa Unibersidad ng Pilipinas - Diliman (UPD) na nakatanggap umano siya ng subpoena mula sa Philippine National Police (PNP) dahil sa umano’y pag-oorganisa nila ng kilos-protesta, partikular noong Setyembre 21 2025. 

Ayon sa naging press conference ng mga lider estudyante ng UP-Diliman noong Huwebes, Oktubre 23, sinabi ng chairperson ng UP Diliman University Student Council na si Jorge Buenaflor na nakatanggap umano siya ng subpoena mula sa PNP noong Miyerkules, Oktubre 22. 

“Ako po ang pang-apat sa mga lider estudyante na ipina-subpoena ng PNP nitong mga nagdaang linggo,” pagsisimula ni Buenaflor, “dahil dito, may panawagan at hamon ako bilang Chairperson ng UP Diliman University Students Council, bilang iskolar ng bayan at bilang kabataan.”

Pagpapatuloy pa niya, binigyan niya ng hamon ang mga umano’y kasabwat daw ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos. 

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

“Para kay Marcos Jr., at mga kasabwat niya. Magbasa po muna tayo ng history books dahil delulu po kayo lahat para isipin na magagawa n’yo pong patahimikin, by a subpoena, kaming mga kabataan,” saad ni Buenaflor. 

“Nagkakamali po kayo. Nakaguhit po sa kasaysayan na hindi napapatahimik ang pagkilos ng kabataan,” pahabol pa niya. 

Ani Buenaflor, ang bahay ng mga “korap na politiko” ang dapat daw na puntahan ng kapulisan. 

“Doon po kayo mag-angas sa mga mandarambong. Kung talaga pong matatapang at makikisig ang ating kapulisan, doon po kayo sa mga bahay ng mga kurakot at politiko pumunta. Ang i-subpoena, ang kasuhan at arestuhin po ninyo ay ‘yong mga politiko,”pagdidiin pa niya. 

Nagbigay rin ng mensahe si Buenaflor para sa mga kapuwa niya lider estudyante at kabataan na huwag daw mananahimik sa sitwasyong kanilang pinagdaraanan. 

“Para sa buong komunidad ng UP, mga kapuwa ko iskolar ng bayan at mga kabataan, ‘wag po nating i-satisfy ang fantasy ng mga magnanakaw at ‘yong mga protektor nila. ‘Wag tayong manahimik[...],” anang lider estudyante. 

“Kung ako po ay sinasabing pina-subpoena dahil nag-organisa daw ng rally, nag-organisa raw ng mga pagkilos [o] ng walkout laban sa korupsyon. Ako po, sampu ng UP Diliman Students Council, ay mag-oorganisa pa lalo ng mas marami, mas malaki at mas malalawak ng protesta ng mga iskolar ng bayan kontra kurakot, kontra korupsyon,” pagtatapos pa niya.

Samantala, ayon naman sa isinagawang press briefing PNP public information chief Brig. Gen. Randulf Tuaño sa Camp Crame noon ding Huwebes, ipinaliwanag niyang ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang nag-issue ng subpoena. 

Ani Tuaño, kaugnay umano ng ang pagpapadala ng subpoena sa naganap na kilos-protesta noong Setyembre 21. 

“Their subpoena is still related to the Sept. 21 rallies,” saad niya. 

Nabanggit din niya na may awtoridad umano ang CIDG na magpadala ng subpoena at magsampa ng kaso para sa indirect contempt ang mga indibidwal na hindi makikipag-ugnayan sa kanila ayon sa Republic Act No. 10973. 

Mc Vincent Mirabuna/Balita