Isang babae ang natagpuang patay sa loob ng isang hotel room sa Barangay 589, Sta. Mesa, Maynila.
Ayon sa pulisya, nakahiga sa kama at nakagapos ang mga kamay ng biktima, na tinatayang nasa 5 feet ang taas at nakasuot ng itim na sando at leggings. Hindi pa nakikilala ang babae.
Batay sa pahayag ng hotel supervisor at roomboy, may kasama umanong isang lalaki at isang babae ang biktima nang mag-check-in ito noong Miyerkules ng gabi.
Kinabukasan, bandang 6:30 ng umaga, nakita sa CCTV ng barangay ang kasama nitong babae na palabas ng hotel, suot ang face mask at salamin, at may bitbit na helmet.
Makikita sa footage na naglakad muna ito sa Reposo Street at Peralta Street, bago tumakbo pagdating sa V. Mapa Street at sumakay ng jeep. Sinundan umano ito ng isang empleyado ng hotel ngunit hindi na naabutan.
Samantala, hindi naman nakunan ng CCTV ang lalaking kasama ng biktima, na ayon sa pulisya ay dumaan sa ibang direksiyon paglabas ng hotel.
Pinaghahanap na ngayon ang dalawang kasama ng biktima, na itinuturing na mga pangunahing suspek upang matukoy ang tunay na dahilan ng pagkamatay ng babae.