Sa panahon ngayong madalas puro reklamo at negatibong balita ang laman ng social media, may mga kuwento pa ring nagpapaalala sa mga tao na likas pa ring mabubuti ang maraming Pilipino, tulad ng nangyari sa isang branch ng American chicken-based restaurant sa SM San Jose del Monte, Bulacan.
Viral ang Facebook post ng netizen na si "Vin Glimmer" matapos niyang ibahagi ang nasaksihang kabutihan ng mga service crew sa isang lalaking senior citizen customer, na tinatayang nasa 80 o 90 na ang edad, hirap maglakad at walang kasama nang pumasok sa nasabing kainan.
Ayon sa netizen, na nakasaksi sa pangyayari, agad na nilapitan ng isang service crew ang nabanggit na matanda para alalayan at kausapin.
May inilabas daw ang customer na Senior ID card at 100 piso, tanda ng kaniyang intensiyong umorder ng pagkain. Ngunit sa halip na tanggapin ng crew ang pera, pinaupo muna siya sa mesa at binigyan ng tubig. Ilang sandali pa, may dumating na meal na rice with roasted chicken, na tila hindi na raw binayaran ng customer.
"Hindi ko po alam kung ganito kayo sa lahat ng branches n'yo. Pero pag pasok ni Tatay (may edad na siguro around 80s - 90s) hirap na po sya maglakad, walang kasama, sinalubong naman sya agad ni Kuya Service Crew, may sinasabi si Tatay, pumunta sa counter, nilabas yung Senior ID nya, naglabas ng 100 pesos," aniya.
Hindi doon nagtapos ang kabutihan ng mga crew. Napag-alaman din ng uploader na libre lamang ang meal na isinilbi at kinain nito, gayundin ang pa-take out nila.
"Pero itong Kenny Rogers SM SJDM branch, ang ginawa, di kinuha ang order ni Tatay. Pinaupo sa lamesa, binigyan ng tubig. Maya2 may dumating na rice meal with Roasted Chicken, tinanong ko si Kuya service crew (tsismiso ako dito) 'Kuya Free Meal po yan kay tatay?' 'Yes po sir' nakangiti nyang sinasabi habang inaasikaso padin si Tatay."
"Maya2 may lumapit na cashier kay tatay nakangiti na parang sosopresahin sya, may dala uling Roasted Chicken. Hanggang sa pag uwi ni tatay may pa takeout pa na 1x Box of Muffins."
Ayon sa netizen, kitang-kita ang tuwang hindi masukat sa mukha ng matanda. Sa dulo ng kaniyang post, pinuri niya ang kabaitan ng manager, service crew, at cashier ng branch.
"Sa manager, service crew and cashier ng branch na to, napakabuti nyo po. Di talaga kami magsasawang mag asawa mag date dito."
Maraming netizens din ang nagpahayag ng paghanga sa kanila.
"May mga may puso pa sa mga ordinaryong Pilipino. Mabuhay kayo na may malalaking puso at maraming kindness sa katawan."
"Salute & respect to all the staff & manager of the establishment! May your tribe increase!"
"Whoever brings blessing will be enriched, and one who waters will himself be watered, sabi nga sa bible."
"A reflection of God's love in action."
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Vin, sinabi niyang labis siyang nalugod sa kaniyang nasaksihan, kaya naman ibinahagi niya ito sa social media, upang magpalaganap ng goodness, good vibes at inspirasyon.
"Sa nasaksihan ko po kasi nakakaawa talaga si Tatay, hirap na maglakad and walang kasama. Kung reason po bakit nilibre nakakaawa po talaga, God's mercy, God's presence," aniya.
"If about po kung saan galing yung ipinanlibre, I'm not 100% sure po hindi ko pa po nakausap yung mga managers, but from what I've heard and saw sa comments, minsan china-charge daw sa manager pag ganiyan."
"Dati na po daw ginagawa ng Kenny Rogers 'yan sabi sa comment section ng ibang nag-share."
Hangad ni Vin na sana raw ay dumami pa ang mga restaurant at establishment na may konsiderasyon at "puso" pagdating sa mga kapus-palad.
Habang isinusulat ang artikulong ito ay umabot na sa 164k reactions, 21k shares, at 24 comments ang nabanggit na post.