Umani ng reaksiyon at komento mula sa mga netizen ang ginawang prank ng social media personality, aktres, at TV host na si Alex Gonzaga matapos niyang tila "takutin" ang pamangking si Polly Soriano.
Si Polly ang bunso at baby girl nina Ultimate Multimedia Star Toni Gonzaga at direktor na si Paul Soriano.
Ibinahagi ni Alex sa Facebook post niya noong Oktubre 23 ang short video ng joke niya kay Polly sa loob ng palikuran.
"Tapos magtataka pa ko bakit masungit sakin si Polly," mababasa sa caption.
Sa text caption naman ng mismong video, mababasa ang "Me as an auntie when their parents are away."
Makikita sa video na inilapit ni Alex si Polly sa isang gadget na naka-set up sa loob ng banyo.
"Say hi to mama," ani Alex.
Nang tingnan naman ito ni Polly, makikitang napatili na ito, napatakbo, at bahagyang umiyak.
Lalabas na sana ang bata subalit mabilis na sinara ni Alex ang pinto ng banyo.
Ilang segundo lang naman itong nagtagal at binuksan na rin ni Alex ang pinto at inalo ang bata.
Ipinakita rin ni Alex ang "behind the scene" ng pananakot, na "kasabwat" daw ang kuya ni Polly na si Seve.
Maririnig na sinasabi ni Alex na "joke" lang iyon, kay Polly. May maririnig din ng isang boses-babae sa video na nagsabing huwag niyang takutin ang pamangkin. Agad naman niyang inalo ang pamangkin at pinrosesong biro lang ang ginawa.
Marami naman sa mga netizen ang naaliw sa eksena ng mag-tita, at sinariwa ang ginagawa rin nila sa mga pamangkin nila.
"Gawain talaga ng mga tiyahin yan eh pag sila bantay sa mga anak natin."
"Role ng mga tita .. paiyakin ang pamangkin"
"lahat ng tita gnyn sa pamangkin,bkit kaya"
"Pagagalitan ka ni ate mo mam Alex,for sure..sana nakavideo din"
"Babawian ka rin ni ATE MO TONI yare ka pag kaw na nagka Baby Hahaha"
"Yung titang tuwang-tuwa kapag umiiyak ang pamangkin niya. Hahaha"
Subalit ilang netizens din ang tila sineryoso ito at pinagsabihan si Alex na huwag nang uliting takutin ang bata at baka ma-trauma siya sa pagbabanyo nang mag-isa.
"Trauma po yan sa ganyang age… wag po ganyan ms Alex..."
"Sa ganyang edad hindi dapat tinatakot ang bata kasi murang isip pa sila, tumatanim ya sa isip nila. Baka lumaking matatakutin ang bata. Sa ating matatanda natutuwa tayo pero iba ang effect sa bata. Hwag m ng uulitin tita Alex ha."
"I agree din po. it could cause trauma at her young age. kahit na sabihin saglit lang nman yun, that was big deal for Polly already. We know how much you love your niece Ms.Alex, but pls huwag po sobrang kulit."
"Absolutely, this could lead to trauma, especially for someone her age."
"Oppss.. Bawal takutin ang bata na e lock sa room. Baka ma-traumatize. Kawawa naman ang pretty little cutiepie."
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag si Alex tungkol dito. Bukas ang Balita sa kaniyang panig.