Ayon sa Malacañang, wala silang ideya sa pagsugod ng ilang raliyista sa Independent Commission for Infrastructure (ICI), ngunit nanindigang tumutugon ang komisyon sa trabaho nito.
Nitong Biyernes, Oktubre 24, nagtangka ang ilang grupo na pasukin ang tanggapan ng ICI upang ipanawagang itigil na ang umano’y pagco-cover up ng kanilang komisyon at imbestigahan ang mga isyung dapat imbestigahan.
“Papasukin n’yo kami mga pulis nandito kami para ipahayag ang aming mga galit,” sigaw ng mga raliyista.
MAKI-BALITA: 'Papasukin n'yo kami!' Ilang raliyista, nagtangkang pasukin ang ICI-Balita
Sa press briefing ni Palace Press Officer (PCO) Usec. Atty. Claire Castro nito ring Biyernes, nabanggit niyang hindi niya nakita ang balita tungkol sa pagsugod ng mga raliyista sa ICI.
“Hindi ko po nakita kung ano ‘yong news na ‘yan. Bakit po sila pumunta?” pagtatanong ni Usec. Castro.
Nang marinig na ito ay kaugnay sa umano’y lack of transparency at mabagal na pagproseso ng mga kaso, tahasang inihayag ng palace press officer na tinutugunan naman nito ang mga dapat na imbestigahan.
“Muli, ang ICI po ay isang independent commission, at kung ano po ang kanilang mga isinasagawa ngayon, at kung ano po ang mga polisiya, ito po ay nasa ICI na po. Siguro po ang nararapat po sa ating mga kababayan, tinutugunan po ng gobyerno ang pag-iimbestiga dito,” ani Usec. Castro.
“Tinutugunan din po ng ICI, sa nakikita po natin, na ito’y tinutugunan, marami po kasing mga kaso. Nakapagsampa na po kahapon si Sec. Vince [Dizon] ng karampatang mga kaso, at hindi po dapat siguro mainip ang ating mga kababayan,” pagpapatuloy niya.
“Hangga’t nandiyan po at may nagtatrabaho, at ang intensyon naman po ay maganda para po mapanagot ang dapat mapanagot, hayaan na lang po natin na umandar ‘yong sistema at ang procedure. Huwag po tayong masyadong maging negatibo sa ginagawa ng gobyerno sa ngayon,” saad pa ni Usec. Castro.
Vincent Gutierrez/BALITA