Nanguna ang pagdarasal at pagtulog sa mga pangunahing "stress relievers" ng mga Pilipino ayon sa Social Weather Stations (SWS).
Isinagawa ang nasabing survey mula Setyembre 24 hanggang Setyembre 30, 2025 na may kabuuang 1,500 survey participants kung saan tinatayang nasa 16% ang nagsabing pagdarasal ang kanilang pangunahing ginagawa kapag sila ay stress.
Sinundan naman ito ng 14% na nagsabing itinutulog o ipinapahinga raw nila ang stress na nararanasan. Nasa 11% naman ang nagsabing lumalabas o gumagala sila kapag stress habang 7% ang nasabing pinipili nilang maging "think positive," 6% ang nagsabing itinutuloy nila ang pag-aaral o trabaho at 6% din ang hindi na lang pinapansin ang problema.
Mababang porsyento ang nakuha ng pag-eehersisyo at paglalaan ng oras sa pamilya na kapuwa na may 5%.
Mas mababang porsyento rin ang nakuha ng paglalaro ng internet games, pakikinig sa musika, panonood ng TV at pagkain na may 4%.
Samantala, narito naman ang iba pang coping mechanism ng mga Pinoy na nakapagtala ng pinakambababang pursyento:
1. Paggamit ng social media (2%)
2. Pag-inom ng alak (2%)
3. Gardening o farming (1%)
4. Paninigarilyo (1%)
5. Pag-iyak (0.4%)
6. Paghingi ng medikal na atensyon (0.2%)