December 13, 2025

Home BALITA National

Malacañang may 'catch up plan' upang dagdagan 22 classroom na naipatayo ng DPWH

Malacañang may 'catch up plan' upang dagdagan 22 classroom na naipatayo ng DPWH
Photo courtesy: RTVM/YT, MB


Inilahad ng Palasyo na ‘Catch-up’ plan at tulong mula sa Local Government Units (LGUs) ang kanilang sagot upang mabilis na madagdagan ang 22 silid-aralan na naipatayo ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa taong 2025.

Kaugnay ito sa kumpirmasyon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon kung saan sinabi niyang 22 sa 1,700 mga silid-aralan lamang ang naipatayo ng ahensya para sa taong 2025.

MAKI-BALITA: DPWH, 22 klasrum pa lang natatapos sa 1,700 na target ngayong taon-Balita

Ibinahagi ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro, sa ginanap na press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Oktubre 24, ang mga naturang plano ng Palasyo.

“Opo, iniuutos na po ito ng Pangulo na agarang matugunan ang kakulangan sa classrooms. Nagkaroon na nga rin po, at ipinakikita na po, at gagawin ‘yong catch-up plan, gagawa po sila niyan. Noong nakaraan pong araw ay sinabi po natin na isasama na rin po ang Local Government Units (LGUs) para po mas mapabilis ang pagpapagawa ng mga eskuwelahan,” ani Usec. Castro.

Aniya pa, iimbestigahan pa rin ito ni DPWH Sec. Dizon, at sisiguraduhing may mananagot sa isyung ito.

“So, titingnan po rin ni Sec. Vince [Dizon] kung bakit nagkaroon ng delay sa pagpapagawa ng mga classrooms. So, kung mayroon pong dapat managot dito, bakit napabayaan po dito, asahan po natin na may mananagot po,” dagdag pa niya.

Vincent Gutierrez/BALITA