Sinagot ni Palace Press Officer Usec. Atty. Claire Castro ang tanong hinggil sa umano’y mabilis na pag-aresto ng kapulisan sa mga kabataang raliyista, kaugnay sa pagkuwestiyon ng ilang student leaders na bakit daw ang mga “big time” na mga korap ay sobrang tagal arestuhin ng awtoridad.
“Unang-una po, alamin po natin. Kung ang inaaresto po ba ay nahuli na may ginagawang aksyon? Kasi ito po ay isa sa paraan at isa sa mga legal na paraan ng kapulisan na sila ay maaaring umaresto kung caught in the act, gumagawa mismo ng krimen,” ani Usec. Castro sa press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Biyernes, Oktubre 24.
“Kung sila ay gumagawa ng krimen, o may basehan na sila ay gumawa ng krimen, maaari po silang maaresto. Hindi po lisensya ang pagiging kabataan para po gumawa ng isang krimen at sasabihin na huwag n’yo kami hulihin dahil kami ay parte ng kabataan,” dagdag pa niya.
Tahasan ding sinabi ng press officer na walang tinitingnan ang batas, at kahit sino, kung lumabag sa batas ay mananagot.
“Ang batas po ay walang tinitingnan. Kabataan na nasa tamang edad, senior citizen may edad, kapag gumawa ng krimen at lumabag sa batas, dapat lamang po managot,” anang press officer.
“So ang mga kabataan ang dapat na pag-asa ng bayan. Sila na po ang maunang sumunod at tumupad sa batas, at ang tangi lamang sana nilang gawin, maging ehemplo sa iba pang mga kabataan,” saad pa niya.
Matatandaang matapang na isinigaw ni Kabataan Partylist Rep. Renee Co na ang tunay na terorista ay ang mga kumukuha ng pera ng taumbayan.
“Anong kinabukasan ang naghihintay sa atin? Kung pumunta naman tayo ng klase, pinapakain tayo araw-araw sa ating edukasyon, pero paglabas natin, binabarat ‘yong sahod natin. Ano ang dapat gawin ng kabataan, kung ang kapwa niya kabataan, tumitindig para sa tama, ay pinapatay, ay dinadahas, sinasabihan sila na terorista, pero sino ang tunay na terorista? Hindi po ba, ang lahat ng kumukuha ng pera ng taumbayan, na dapat napupunta sa batayang serbisyong panlipunan,” ani Rep. Co sa isinagawang walkout protest ng mga estudyante mula sa iba’t ibang paaralan sa Mendiola kamakailan.
MAKI-BALITA: Mga kumukuha ng pera ng taumbayan, tunay na 'terorista'—Rep. Renee Co-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA