December 13, 2025

Home BALITA National

DPWH, nagbabala sa mga nagpapanggap bilang si Sec. Vince Dizon

DPWH, nagbabala sa mga nagpapanggap bilang si Sec. Vince Dizon
Photo courtesy: DPWH/FB


Nagbabala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa publiko hinggil sa mga taong nagpapakilala o nagpapanggap bilang si Secretary Vince Dizon.

Ibinahagi ng DPWH sa kanilang Facebook post nitong Biyernes, Oktubre 24, ang naturang abiso sa publiko.

“Muling nagpapaalala ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa publiko na mag-ingat at maging mapanuri laban sa mga taong nagpapakilala o nagpapanggap na sila si Secretary Vince B. Dizon,” anang DPWH.

“Huwag maniwala sa anumang tawag, mensahe, o sulat na humihingi ng pera o anumang pabor gamit ang pangalan ng Kalihim o kahit sinong opisyal ng DPWH kapalit ang mga transaksyon dito,” dagdag pa nila.

Nagbigay din ang ahensya ng mga numero at email address na maaaring kontakin ng publiko kaugnay sa nasabing insidente.

“Maging mapagmatyag at huwag magpaloko. I-report ang mga ganitong pangyayari sa DPWH Hotline 165-02 o sa email na [email protected],” anila.

“Sama-sama nating ibalik ang integridad at malinis na pamamahala sa DPWH,” saad pa nila.

Matatandaang nag-abiso rin kamakailan ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kaugnay sa isang account na nagpapanggap naman bilang si Secretary Rex Gatchalian.

“Mag-ingat sa isang scammer na nagpapanggap bilang si DSWD Secretary Rex Gatchalian. Ang scammer na ito ay gumagamit ng pangalang Rex Santos Flores,” anang DSWD.

KAUGNAY NA BALITA: DSWD, pinag-iingat publiko sa 'scammer' na nagpapanggap bilang si Sec. Rex Gatchalian-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA